Sinabi kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na wala silang impormasyon tungkol sa ibinunyag ng defense minister ng Indonesia na may aabot sa 1,200 miyembro ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang nasa Pilipinas, kabilang ang ilang dayuhan at 40 sa mga ito ay Indonesian.
Sa artikulo ng Agencé France Presse at Bloomberg, binanggit ang pahayag ni General Ryamizard Ryacudu sa isang international security forum sa Singapore kahapon na batay sa mga pagtaya, may aabot sa isang milyong tagasuporta ng ISIS sa Indonesia, ang bansang may pinakamalaking populasyon ng Muslim sa mundo, ngunit wala pang 700 sa mga ito ang “real problem.”
Gayunman, sinabi ni Lorenzana na batay sa pagkakaalam niya, masyado naman aniyang mataas ang nasabing bilang.
“Masyadong marami naman ‘yung estimate nila. We do not have information on that,” saad sa text message ni Lorenzana sa Balita.
Sinabi ng kalihim na nasa 210 lamang ang taya nilang miyembro ng ISIS sa bansa.
Aniya, may 60 mandirigma ang Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon, habang nasa 150 naman ang kasapi ng Maute Group.
“The other armed group that aide them are just sympathizers of Maute not ISIS. Estimate of fighters at the start was about 500,” ani Lorenzana.
Nagulat naman si Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na nasabing bilang na binanggit ng opisyal ng Indonesia.
“Wow! Ganoon ba?! We need to check his statement thoroughly first,” sabi ni Padilla. “Tatanong ko muna side namin if may basis ito.”
Nagbigay ng pahayag mula sa Singapore, tinawag ni Defense Minister Ryamizard Ryacudu ang mga terorista na “killing machines” at hinimok ang buo at malawakang suporta ng rehiyon laban sa ISIS.
“I was advised last night, 1,200 ISIS in the Philippines, around 40 from Indonesia,” inilahad ni General Ryacudu sa IISS Shangri-La Dialogue, na inorganisa ng International Institute for Strategic Studies sa London.
(FRANCIS T. WAKEFIELD)