3_MUST ITO copy

WALA pang 20 minutong biyahe mula sa tanyag na CamSur Watersports Complex (CWC), matatagpuan ang bayan ng Bula na sakop ng Rinconada Area, ang Ikalimang Distrito ng Camarines Sur.

Patuloy na dumarami ang mga dumadayong turista sa Bula at umaasa ang mga lider at mamamayan na magtutuluy-tuloy ang pag-usbong ng kanilang turismo ngayong nababalitaan at napapanood na maging sa national television ang kanilang magagandang tourist destinations.

Isa sa mga pangunahing atraksiyon sa Bula ang Tan-awan, na nasa tuktok ng Bgy. Bagoladio mountains. Dito kasi matatagpuan ang itinayong giant image ng Our Lady of Holy Rosary.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Makikita mula sa lugar na ito ang makapigil-hiningang mga tanawin sa kapatagan mula sa Mt. Mayon sa Albay province, Mt. Iriga, Baao Lake, Mt. Isarog, Naga City, at ang makasaysayang Bicol River na nag-uugnay sa iba’t ibang pamayanan sa Bicolandia.

Major attraction na ngayon para sa mga bakasyunista sa Rinconada ang sikat na Nalalata Falls at Nalalata Caves.

Paborito rin ng mga lokal na turista ang hindi pa natutuklasan ng outside world na Itangon Beach at Caorasan Beach sa West Philippine Sea, at ang napakarami pang natural landscapes.

DATING TRADING CENTER

Bago pa man nakilala ang ibang mga bayan at lungsod sa paligid nito, ang Bula ay una nang naging trading center ng mga negosyanteng Tsino. Dinadaanan ito ng Bicol River, ang dating ‘highway’ noong riverine people pa ang mga Bicolano, kaya bago pa man makarating sa Naga, dito ang sentro ng komersiyo.

Iyon ang dahilan kaya isa ang Bula sa unang apat na munisipyong itinatag noong Abril 3, 1574 ng Spanish government sa Bicol Peninsula.

Sa likod ng matatayog na mga kawayang nakapaligid sa tahimik na pamayanan ay nananatili ang mayamang kasaysayan at kultura ng Bula na kilala sa mga alagad ng Diyos at alagad ng sining – mga manunulat, iskultor, pintor, craftsmen at masisipag na mga magsasaka at trabahador.

Sa Bula natagpuan ang mga labi ng daan-daang taon nang mga banga, na sisidlan ng mga iniluwas na flower extracts sa Barangay Fabrica. Ayon sa pagsusuri, at sa librong sinulat ng tanyag na Bicol historian na si Dr. Danilo Gerona, tone-toneladang flower extracts ang inangkat ng perfume manufacturers mula sa lugar na ito papuntang Europe. Namalagi sa Bula ang Spanish merchandizer na si Pablo Feced simula noong 1577 o 440 taon na ang nakararaan. Siya at ang libu-libong mga residente ng Bula ang magkaagapay kaya nakilala ang lugar bilang producer at importer ng flower extracts, kaya pinangalanang Fabrica ang lugar.

Nakita rin sa pagsasaliksik na ang mga distillery facility sa Fabrica ay state-of-the-art equipment na kapareho ng mga gamit ng perfume makers sa Paris, France.

Ang mga natitirang ebidensiya (glass jars) ay nakatago ngayon sa isang kolektor sa Fabrica, na noon ay ekta-ektarya ang natatamnan ng mga bulaklak na prinoseso sa pabrika ni Feced.

SIMBOLO NG BAYAN

Pero bago pa man naging taniman ng mga bulaklak, ang Bula ay likas nang napakaganda sa mayayabong na kawayanan sa Bicol River na pumapaligid sa kabayanan. Dito hango at ipinangalan ang bayan. Ang bula, ay Bicol-Rinconada dialect na tumutukoy sa kawayan.

Iba’t ibang klase o variety ng kawayan ang matatagpuan sa Bula hanggang ngayon, na naging simbolo na ng mga Bulaeño – yumuyukod habang tumatayog at marunong makisayaw sa ihip ng hangin o panahon. Ngayon, ito ang isa sa pangunahing produkto rito.

Pang-export at kinagigiliwan ngayon ang bamboo handy-craft products, mula sa ornaments, roofing-flooring designs, at household furnitures. Ang pagawaan nito, na nasa ilalim ng pamamahala ng local government ng Bula, ay nagbibigay ng malaking oportunidad sa mga residente para kumita.

Makailang beses nang tinanghal ang Bula sa loob ng 20 taon sa national at international citations dahil sa kanilang kakaibang bamboo craftsmanship na ngayon ay isinusuplay nila sa iba’t ibang dako ng bansa at maging sa labas ng Pilipinas.

“’Yung ginagawa namin, eh, non-stop creating new ideas, dahil alam namin na marami ang pakinabang ng bamboo products sa tamang pamamaraan ng paggamit nito,” sabi ni Councilor Glenn Genio. “At huwag kayong mag-alala, ang mga produkto namin ay p’wedeng magtagal hanggang limangpung taon o sobra pa. Idinaan naming lahat sa proseso ang mga raw materials.”

Aniya pa, sa ating panahon na malaki ang isyu sa unti-unting pagkaubos ng mga kahoy sa kagubatan, ang kawayan ang sulosyon sa mga pangangailangan sa umuusbong na ekonomiya at modernisasyon. Pagpapalawak ng taniman at tamang pagputol, lima hanggang walong taon, ang maturity ng kawayan na pinalalawak ng Bula ang produksiyon.

CULINARY TOURISM

Ayon kay Mayor Amelita A. Ibasco, mula rin sa kawayan ang tanyag na pagkaing puwag o lambo (labong) na binabalik-balikan ng mga turistang nakakapasyal sa Bula. Iba-ibang uri ng Labong Menu mula gata hanggang sa labong soup.

Ang naglalakihang casili (eel) na nakakubli sa mga ugat ng mga kawayan sa pampang ay patok din hindi lang sa mga Chinese restaurants kundi sa lalo na sa mga residente. Sa Bula rin nahuhuli ang pamoso at napakasarap na karpa.

Nakakatakam ang kanilang mga pagkain, tatak Bula, kaya hindi lang mga mata ninyo ang bubusugin sa naggagandahang mga tanawin, pati ang inyong tiyan. (RUEL SALDICO)