Kinumpirma kahapon ng Pasay City Police na nasa kostudiya nito ang isang person of interest, ang taxi driver na nagsakay umano sa lalaking namaril at nanunog sa Resorts World Manila nitong Biyernes ng madaling araw.

Sa panayam sa telepono, kinumpirma ni Senior Supt. Dionisio Bartolome, hepe ng Pasay City Police, na positibong kinilala ng hindi pa pinapangalanang taxi driver na ang lalaking isinakay niya sa minamanehong Krislou Taxi ang suspek sa pag-atake sa hotel, na ikinasawi ng 38 katao, kabilang ang suspek.

“Be guided accordingly pero oo, doon sa tanong (kung ang pasahero ay ang gunman), oo. Siya ‘yun. ‘Yun na ‘yun,” sabi ni Bartolome.

Sa limang-pahinang progress report na isinumite ni Bartolome kay Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario, inilarawan ang hindi pa rin nakikilalang suspek na nasa pagitan ng 40-45 ang edad, 6’2” ang taas, maskulado, maputi at nakasuot ng itim na long sleeve shirt na itim din ang vest, bonnet at pantalon.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Armado rin ang suspek ng isang M16 rifle at isang .38 caliber pistol nang matagpuang tupok na tupok sa isa sa mga silid sa hotel matapos umanong silaban at magbaril sa sarili.

Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ng pangunahing imbestigador sa kaso na si SPO1 Rodolfo Suquina, na bandang 11:00 ng gabi nang isinakay ng taxi driver ang suspek sa Santa Cruz, Maynila para ihatid sa nasabing hotel dakong hatinggabi.

Kasabay nito, nagbigay din kahapon ang Pasay City Police ng mas detalyadong impormasyon tungkol sa mga nasawi at nasugatan sa pag-atake.

MAY TAMA NG BALA

Ayon sa police report, anim sa 38 nasawi ay dayuhan, kabilang ang tatlong Taiwanese at isang Korean.

Nabatid din sa report na lima sa 76 na nasugatan—taliwas sa 78 na unang napaulat—ay may tama ng bala.

“Hindi pa malinaw kung pinaputukan o natamaan ng stray (bullet), kasi may instance rin na naglagay ng bala ‘yung gunman sa isang casino table at saka niya sinilaban,” ani Suquina.

Sinabi rin kahapon ng Philippine National Police (PNP) na posibleng matanggalan ng lisensiya ang NC Lantig Security Specialist Agency, na nagbibigay ng seguridad sa hotel.

Sinabi ni PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) director, Chief Supt. Jose Mario Espino, na sakaling mapatunayan na may pagkukulang sa hanay ng mga security guard ay tiniyak niyang mananagot ito.

‘LAHAT INAAKO NG ISIS’

Samantala, binigyang-diin kahapon ng Malacañang na walang kinalaman ang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa casino attack kahit pa kaagad na inako ng teroristang grupo ang pag-atake, batay sa post sa website nito.

“They can always claim what they want to claim in their website, which they are in full control of,” sinabi ni Abella sa “Mindanao Hour” press briefing kahapon ng umaga.

“They have this reputation of claiming all atrocities all over the world to perpetuate themselves to gain global popularity and to show that their influence is all over,” ani Abella. “However, there is no truth that the incident was a terror act. According to our evidence, the incident is a local peace and order concern.”

(May ulat nina Fer Taboy at Argyll Cyrus B. Geducos) (MARTIN A. SADONGDONG)