Bagamat may pinakamaraming estudyante sa buong bansa, tiniyak ng Department of Education-National Capital Region (DepEd-NCR) na ang unang araw ng pagbabalik-eskuwela ay magiging “normal”.

Taun-taong naiuulat ang pagsisiksikan ng mga estudyante tuwing unang araw ng klase dahil sa kakapusan ng mga silid-aralan, partikular na sa Metro Manila.

Aminado si DepEd-NCR Director Ponciano Menguito na “inaasahan” na ng mga paaralan sa NCR ang pagsisikip sa ilang eskuwelahan, lalo na sa mga lungsod na malaki ang populasyon.

“We cannot avoid having congestion [in some schools],” sabi ni Menguito. “Although in our program for the past two years, we targeted 3,700 plus classrooms but as of this moment, at least 50 % has been completed but the rest are still on-going construction… we expect these on-going, around 1,600 of them, to be completed within the year.”

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sinabi ni Menguito na habang hinihintay pa ng mga paaralan sa Metro Manila ang pagkumpleto sa mga bagong silid-aralan ay inasahan na nila ang congestion at may hakbangin na sila laban dito.

“We are able to handle this by implementing shifting in schools and in extreme cases, all available rooms inside the school are used as instructional rooms,” paliwanag ni Menguito.

Kabilang sa mga inaasahan nang maraming estudyante ngayong taon ang Batasan National High School at Paez High School sa Quezon City, ayon kay Menguito.

Pagdating naman sa mga guro, nagpahayag ng kumpiyansa si Menguito na may sapat nito sa mga paaralan sa Metro Manila. “We do not see any teacher shortage,” aniya.

Sa kabila nito, tiniyak ni Menguito na “classes will be normal” sa unang araw ng balik-eskuwela dahil sa mga paghahandang naikasa na ng mga opisyal ng DepEd.

MANGONGOLEKTA ISUMBONG

Kasabay nito, hinikayat ng DepEd ang mga magulang na huwag mag-atubiling isumbong sa kanilang tanggapan ang mga pampublikong paaralan na maniningil ng tuition fee at iba pang hindi awtorisadong bayarin, partikular na sa unang araw ng klase bukas.

Tiniyak naman ng DepEd na mapapatawan ng kaukulang parusa ang sinumang paaralan na mapatutunayang lalabag sa ipinatutupad nilang ‘No collection policy.’ (MERLINA HERNANDO-MALIPOT at MARY ANN SANTIAGO)