MARAWI CITY – Sa nakalipas na mahigit 10 araw ng matinding pangamba, takot at kawalang katiyakan, ngayon lamang nakaramdam ng labis na kasiyahan ang mga residente ng Marawi City matapos silang magsitanggap ng mga sariwang isda makaraan ang ilang araw na pagdepende sa relief goods sa kanilang paglikas simula nang sumiklab ang bakbakan ng militar at pulisya laban sa mga terorista ng Maute Group.

“Alhamdulillah (praise the Lord), sa wakas makakatikim na kami ng sariwang isda. Masaya kami sa bawat relief aids na natatanggap namin sa nakalipas na 10 araw. Pero itong sariwang isda ang the best sa lahat,” sinabi nitong Biyernes ni Dr. Linang Cabugatan, middle management official ng Mindanao State University (MSU) main campus sa Marawi.

Para sa biyudang si Zainab Ibrahim at sa apat niyang anak na paslit, maikukumpara sa “diyamante” ang dalawang kilo ng sariwang bangus na natanggap nila mula sa relief at medical mission team ng Maguindanao.

Sa siyudad na ito, na saklaw ng 340-kilometrong Lake Lanao—ang pinakamalaking tubigan sa bansa na sagana sa yamang-dagat—bahagi ng pang-araw-araw na buhay ang pagkain ng isda hanggang sa kubkubin ng Maute Group ang siyudad nitong Mayo 23 at kinailangang lumikas ng mga residente upang umiwas sa bakbakan.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Aabot sa 600 pamilya o 30,000 katao ang tumanggap ng dalawang kilo ng sariwang isda, limang kilo ng bigas, at isang package ng mga de-latang pagkain at gamot bawat isa sa iba’t ibang refuge center sa Marawi at sa Saguiaran, Lanao del Sur; Balo-I at Iligan City sa Lanao del Norte, nitong Biyernes, ayon kay Lynette Estandarte.

“It’s very dramatic and self-fulfilling,” sabi ni Estandarte tungkol sa naging reaksiyon ng evacuees sa relief aids ng grupo mula sa Maguindanao.

Samantala, sinabi ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na nananatiling prioridad na pangangailangan ang pagkain at tubig para sa aabot sa 100,000 evacuees at nasa 3,700 residente na nananatili pa rin sa Marawi.

Ayon sa ICRC, mahalaga ring maabutan ng tulong ang mga lumikas na taga-Marawi na nakikituloy sa kanilang mga kaanak sa mga bayang karatig ng lungsod.

“They have limited access to food, water and healthcare, and fate serious danger to their lives as the fighting enters its 10th day,” saad sa pahayag ng ICRC. (Ali G. Macabalang at Yas D. Ocampo)