NASA Russia pa si Pangulong Duterte noong nakaraang linggo nang ihayag niya sa isang panayam sa telebisyon na tinatanggihan niya ang imbitasyon ni President Trump para bumisita siya sa White House. Personal siyang inimbitahan ni Trump nang magkausap sila sa telepono sa ika-100 araw ni Trump sa puwesto.
Bilang tugon sa mga kritikong kaagad na kinuwestiyon ang nasabing imbitasyon, sinabi ni Trump na kailangan niya ang pakikipagtulungan at suporta ni Duterte at ng iba pang pinunong Asyano sa mga pinaplano niyang hakbangin laban sa North Korea. Sa harap ng mga pagbatikos, sinabi ni Pangulong Duterte na pag-iisipan niya ang imbitasyon.
Noong nakaraang linggo, malinaw na napag-isipan na niya itong mabuti. Sinabi niyang nagpasya siyang huwag na lang tanggapin ang imbitasyon. Abala siya, banggit niya, kaugnay ng idineklara niyang batas militar sa Mindanao at sa operasyon ng militar laban sa mga teroristang Maute sa Marawi City.
Makalipas ang ilang araw, inihayag ng Pangulo na kinansela na rin niya ang kanyang biyahe sa Japan kung saan nakatakda siyang magtalumpati sa isang pandaigdigang kumperensiya at muling makikipagpulong kay Prime Minister Shinzo Abe.
Posibleng ang kanyang sunud-sunod na biyahe sa labas ng bansa—sa Laos, Indonesia, Vietnam, Brunei, dalawang beses sa China, Japan, dalawang beses sa Thailand, Malaysia, Peru, dalawang beses sa Cambodia, Singapore, Myanmar, Saudi Arabia, Bahrain, Qatar, at Russia—sa loob lamang ng walong buwan simula Setyembre 5, 2016, hanggang Mayo 24, 2017, ay nakaapekto na sa kanyang lakas at marahil sa kanyang kalusugan.
“Pagod na talaga ako,” sinabi niya noong pinaplano pa lang niya ang pagtungo sa Japan, at idinagdag na iyon na ang magiging huling beses na lalabas siya ng bansa. Tungkol naman sa imbitasyon ni President Trump, sinabi niya, “I cannot go because I am busy. That’s actually the truth,” aniya, at ikinatwiran ang umiiral na batas militar sa bansa.
Ngunit sinabi rin niya sa panayam sa kanya sa Moscow na may espesyal siyang dahilan sa pagdedesisyon laban sa pagbisita sa Amerika sa kasalukuyan. Binalikan niya sa alaala ang matinding pagbatikos sa kanya ng mga opisyal ng Amerika dahil sa paulit-ulit niyang mga pahayag laban sa operasyon ng US military sa Pilipinas. Aniya, natatakot siya na may magtangkang paslangin siya.
Walang solidong basehan ang huling pangamba niya, ngunit ang katotohanang ilang opisyal ng Amerika ang mabilis na kumuwestiyon sa imbitasyon ni Trump ay nagpapahiwatig na asahan na ni Duterte ang patuloy na pagtuligsa sa kanya at marahil magkakaroon din ng mga kilos-protesta sakaling tanggapin niya ang imbitasyon ni President Trump. Magpapatuloy ang diwa ng pagiging negatibo—hindi lamang dahil kay Duterte, ngunit dahil din kay Trump.
Kaya naman pinakamainam na marahil na ipagpaliban ni Pangulong Duterte ang anumang pagbisita sa White House sa ngayon. Maaaring paglipas pa ng ilang panahon, kapag mas maaliwalas na ang ugnayan ng Pilipinas at Amerika.