HINDI na naiiba sa mga dambuhalang kumpanya ng langis na nagtataas lagi ng presyo ng produktong petrolyo, na simbolo ng pagiging ganid sa tubo at pakinabang, ang mga pribadong kolehiyo at unibersidad.
Ang dahilan: taun-taon at tuwing bago magsimula ang klase ay laging nagtataas ng tuition fee na pahirap at parusa sa mga magulang na nagpapaaral ng mga anak. Ang pagtataas ng singil sa matrikula ay pandurukot muli sa bulsa ng mga magulang na ang iba’y nangungutang pa sa Bumbay para lamang mapag-aral ang kanilang mga anak. Ang iba’y nangingibang-bansa at doon nagpapaalipin. Nagsasakripisyo at tinitiis na malayo sa pamilya mapagtapos lamang ang mga anak at magkaroon ng magandang kinabukasan.
Ngayong school year 2017-2018, aabot sa 286 na pribadong kolehiyo at unibersidad ang pinayagan at binigyan ng bendisyon ng Commission on Higher Education (CHEd) na magtaas ng matrikula. At sa mga private elementary at high school, may 1,013 paaralan ang binigyan din ng bendisyon ng Department of Education (DepEd) na magtaas ng matrikula.
Sa pagbibigay ng pahintulot na dagdag matrikula sa mga pribadong kolehiyo, unibersidad, elementary at high school, nagpaliwanag ang CHEd at DepEd secretaries. Ayon kay CHEd Chairperson Patricia Licuanan, ginabayan ang komisyon ng mga batas tungkol sa tuition fee increase.
Binanggit niya ang Education Act of 1982 at ang Republic Act 6728 o ang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act.
Ayon naman kay DepEd Secretary Leonor Briones, nagsilbi rin niyang gabay ang DepEd guidelines. Marami umano sa mga private school ay maliit, sectarian school na nangangailangan na taasan ang suweldo ng mga guro. Ang 70 porsiyento ng tuition fee increase ay ilalaan sa dagdag-suweldo ng mga guro at iba pang personnel sapagkat ang kanilang suweldo ay maliit kung ikukumpara sa suweldo ng mga guro sa public school.
Ang dalawang batas sa edukasyon ang nagsisilbing sandata ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad na magtaas ng matrikula. Ang Education Act of 1982 ay pinagtibay noong panahon ni dating Pangulong Marcos. Pahirap, pabigat at parusa ito sa mga magulang sapagkat parang oil deregulation law. Marami na ang humihiling na ma-repeal o susugan ang Education Act of 1982, ngunit walang sirkero at payaso sa Kongreso na may lakas ng loob at gulugod na magharap ng panukalang susugan o ma-repeal ang nasabing batas sa edukasyon.
Sa tuition fee hike, maraming magulang ang mapipilitan na ilipat ng paaralan ang kanilang mga anak. Kung hindi makakaya ang pagpapaaral, masakit man sa loob ay sasabihin ng ina o ama na, “pahinga ka muna anak”.
Ang matrikula ay parang dugo at pawis ng mga magulang. Sa taun-taon na pagtataas ng marikula, hindi maiwasan na may magsabing ang edukasyon sa Pilipinas ay isang business profit venture o negosyong malakas pagtubuan ng limpak na salapi. Negosyong tubong nilugaw at parang mina ng ginto. Nawawala na ang tinatawag na quality education. Marami tuloy ang nagtatapos na nagiging learned ignoramus, cultural illiterates at intellectual moron. (Clemen Bautista)