ZAMBOANGA CITY – Nasa 182 katao na naipit sa tuluy-tuloy na bakbakan sa Marawi City ang nailigtas kahapon ng madaling araw ng mga sundalo, mga tauhan ng pamahalaang panglalawigan ng Lanao del Sur at mga non-government organization (NGO) sa magkahiwalay na lugar sa Marawi City habang isang sibilyan ang hindi na nakalapit sa abot-tanaw niyang magre-rescue sa kanya makaraan siyang mabaril at mapatay ng mga sniper ng Maute Group.
Sinabi kahapon ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Commander Lt. Gen. Carlito Galvez, Jr., na batay sa datos kahapon, may kabuuang 1,236 na sibilyan na ang nailigtas ng gobyerno mula sa lungsod.
Itinala naman ng militar sa 20 ang mga sibilyang napatay ng Maute sa Marawi makaraang masapol ng sniper ng mga terorista ang isang inire-rescue na sibilyan.
Kabilang sa mga iniligtas si dating Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) Deputy Govenor Nurrudin Alonto Lucman, na pinangunahan ang mga lumilikas na sibilyan makaraang magtaas ng puting bandila habang tumatawid sa tulay, sa isang makapigil-hiningang eksena na malapelikula, ayon sa Lanao del Sur Provincial Crisis Committee (LSPCC).
Sinabi ni Galvez na nabanggit ng mga nailigtas sa tiniis nila ang matinding gutom, uhaw, at kawalan ng tulog sa matinding takot nila para sa sariling buhay.
Sa kuwento ni Galvez, base sa salaysay ng isa sa mga sibilyan: “Hindi kami makalabas, takot na takot kami sa mga terorista na baka makita at patayin nila kami. Pinapatay nila ang mga sibilyan, kahit pa kapwa nila Maranao na hindi kayang mag-recite ng dasal o kahit ng Shahada…kahit isang maling salita lang. Makakapagsalita ka ba nang maayos nun, tinututukan ka ng baril?”
“Walang puso ang sniper ng mga terorista. Gusto lang naman naming mabuhay. Pinatay nila ‘yung isa sa amin, walang kalaban-laban,” dagdag ni Galvez na kuwento ng umiiyak na sibilyan.
Una nang pinaslang ng Maute ang ilang grupo ng mga sibilyan, kabilang ang ilang babae at isang bata, sa kasagsagan ng pagkubkob nito sa Marawi at pagtugis ng mga sundalo at pulis.
“We hope for the early resolution of this conflict the soonest time possible so that our people in Marawi can go back to their homes and live a normal life again,” sabi naman ni Galvez.
Sa huling taya ng AFP, nasa 120 terorista pa rin ang napapatay, at 38 sa puwersa ng militar at pulisya ang nasawi.
(NONOY LACSON at FER TABOY)