CAMP JUAN, Ilocos Norte – Patay ang isang alkalde at driver makaraan silang pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek habang nag-iinspeksiyon sa konstruksiyon ng isang dam project sa Barangay Mabuti sa Marcos, Ilocos Norte, bago magtanghali kahapon.
Kinilala ni Chief Insp. Dexter Corpuz, tagapagsalita ng Ilocos Norte Police Provincial Office, ang mga napaslang na sina Arsenio Agustin, alkalde ng bayan ng Marcos; at Mark Valencia, driver ng opisyal.
Ayon sa paunang imbestigasyon, dakong 11:40 ng umaga kahapon nang mangyari ang pamamaril.
Nabatid na kasama si Valencia ay nag-iinspeksiyon si Agustin sa ginagawang irrigation dam nang pagbabarilin sila ng salarin.
Kaagad na naisugod sa ospital sina Agustin at Valencia ngunit kapwa dead on arrival ang mga ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Corpuz na kaagad na nagsagawa ng checkpoint at dragnet operation ang lahat ng himpilan ng pulisya sa lalawigan upang maaresto ang suspek. (FREDDIE G. LAZARO)