NANAWAGAN ang mga kasapi ng Purple Ribbon for Reproductive Health (RH) sa mga lokal na pamahalaan na gawin ang kanilang tungkulin na ipatupad ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Law sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Ito ang naging apela ng Purple Ribbon makaraang linawin ng Korte Suprema na ang temporary restraining order (TRO) na ipinalabas nito dalawang taon na ang nakalilipas ay sumasaklaw lamang sa mga contraceptive implant, ang Implanon at Implant NXT at hindi sa iba pang contraceptives.
Sa isang pahayag sa media nitong Huwebes, pinuri ng Purple Ribbon ang nasabing paglilinaw bilang isang “continued progress in the implementation of sexual and reproductive health and rights policies from the national government to the local government units”.
Dahil dito hinihimok ng grupo ang mga lokal na pamahalaan “to strongly advocate for the implementation of the Responsible Parenthood and Reproductive Health Law”.
Sa naunang panayam, sinabi ni Romeo Dongeto ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD) na mahalagang may sapat na pondo para maipatupad ang pagpaplano ng pamilya, at sa pagkakaroon ng mga programa para sa kalusugan ng ina, at sa sexuality at reproductive health education.
Samantala, sinabi naman ni Beth Angsioco ng Democratic Socialist Women of the Philippines na dapat na igiit ng publiko sa kani-kanilang lokal na opisyal ang kanilang mga karapatan.
Nitong Mayo 26, ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang ipinalabas na TRO noong Hunyo 2015 ay sumasaklaw lamang sa Implanon and Implanon NXT, at hindi ipinagbabawal ang lahat ng iba pang contraceptives na pawang “unquestionably non-abortifacient”.
Ayon sa Korte Suprema, awtomatikong ikokonsidera ang pagbawi sa TRO kapag tumupad na ang Food and Drug Administration (FDA) sa desisyon ng kataas-taasang hukuman at binigyan ng pagkakataon ang panig ng tumututol sa implants na magkomento sa rehistro ng Implanon at Implanon NXT.
Sinabi ng Korte Suprema na dapat na lumikha ang FDA ng mga proseso sa pagsasala, pagsusuri, at pag-apruba sa mga gamot at gamit sa contraceptives.
Saklaw ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Law ang karapatan sa pagpaplano ng pamilya at pagkakaroon ng mga programa para sa kalusugan ng mga ina, pagtuturo tungkol sa seksuwalidad at reproductive health nang naaangkop sa edad, at sapat na pondo sa pagsasakatuparan ng mga programang ito. (PNA)