KAPANALIG, ang Hunyo ay hudyat ng pagbabalik-eskuwela. Kasabay nito ang sakit ng ulo ng mga magulang: mas mataas na gastusin.

Nitong nakaraang araw, inaprubahan ng Commission on Higher Education ang aplikasyon ng 268 pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa para magtaas ng matrikula ngayong school year 2017-2018. Aabot sa 6.96% ang kanilang itataas o P87.68 kada unit. Sa elementary at high school naman, tumaas ang matrikula sa mahigit 1,200 pribadong paaralan noong school year 2016-2017.

Kaya maraming magulang ngayon ang napapakamot na lamang sa ulo. Pagdating kasi sa pag-aaral ng mga anak, hindi lamang matrikula ang nagmamahal, pati uniporme, gamit sa eskuwela at baon. Ang masaklap, ang suweldo, hindi naman tumataas.

Ayon sa Family Income and Expenditure Survey noong 2015, ang karaniwang suweldo ng pamilyang Pilipino ay P267,000 kada taon. Halos kalahati nito, o 41.9%, ay nagagastos sa pagkain. Para sa mga maralita, o huling 30% ng income group, nasa 59.7% ng kanilang suweldo ang napupunta sa pagkain. Ang natitirang 40% ay para sa edukasyon, kalusugan, pamasahe at iba pang pangangailangan ng mga miyembro ng pamilya.

Ang bawat pagtaas sa presyo sa pag-aaral ay kumakaltas sa dami o kalidad ng pagkaing naihahain sa hapag ng pamilyang Pilipino. Kaya ‘di nakapagtataka na maraming bata ang nagda-drop-out na lamang at nagtatrabaho. Ang gutom ay isang malaking balakid sa edukasyon. At ang pagtaas ng gastos sa edukasyon ay nagdadala rin ng gutom sa maraming pamilya.

Nasa 21.6% ang poverty incidence ng bayan habang 12% naman ang nasa hanay ng extreme poverty.

Ito ang dahilan kung bakit mahirap para sa maraming magulang na paaralin ang kanilang mga anak. Ang edukasyon, para sa maralita, ay nagiging prebilehiyo na lamang ng mga maykaya. Ano nga ba ang maaaring maging long-term solution dito dahil kada taon, tumataas ang matrikula, at kada taon, parami nang parami ang hirap tugunan ito?

Bilang isang pamilyang nagmamahal sa Diyos at sa kapwa, dapat din nating suriin ang ating lipunan at kung paano ba nito tinatrato ang pinakamaliit na kasapi. Ang ating lipunan ba ay “inclusive”? Lahat ba ng miyembro nito ay nabibigyan ng pagkakataon na umangat ang buhay? Lahat ba ng kabataan ay natatamasa ang kanilang karapatan sa edukasyon?

Ang Pacem in Terris ay may gabay sa ating lahat na nawa’y dinggin ng mas marami: “The natural law gives man the right to share in the benefits of culture, and therefore the right to a basic education and to technical and professional training in keeping with the stage of educational development in the country to which he belongs.”

(Fr. Anton Pascual)