Sa kabila ng umiiral na price freeze sa mga pangunahing bilihin sa buong Mindanao, sa ilalim ng batas militar, hindi umano napigilan ng Department of Trade ang Industry (DTI) ang pagsasamantala ng ilang negosyante sa rehiyon.

Kumalat ang balitang lumobo ng hanggang P6,000 ang presyo ng bawat kaban ng bigas mula sa dating regular na P2,000 lamang, at kakaunti na ang ilang supply ng bilihin sa mga karatig lugar ng Marawi City dahil sa patuloy na bakbakan ng puwersa ng gobyerno at teroristang Maute Group sa siyudad.

Gayunman, itinanggi ni DTI Secretary Ramon Lopez na labis ang pagtaas ng pangunahing bilihin sa Marawi, Iligan City at Cagayan De Oro City.

Iginiit pa ng kalihim na nananatiling normal ang presyo at supply ng mga bilihin sa rehiyon.

Metro

High-grade marijuana, <b>nasabat ng pulisya matapos i-deliver sa fast food resto</b>

Agad na inatasan ni Lopez si DTI Regional Director Linda Boniao na suriin ang mga pamilihan upang personal na tingnan kung tumaas nga ng hanggang P6,000 ang kada sako ng bigas doon, at nakumpirmang walang katotohanan ito.

Nagdagdag na ng monitoring team ang DTI na mag-iikot o mag-iinspeksiyon araw-araw sa mga pamilihan sa Mindanao upang tiyaking walang paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa loob ng 60-araw na batas militar, alinsunod sa idineklara ni Pangulong Duterte nitong Mayo 23. (Bella Gamotea)