SI Romeo Flaviano Ibañez Lirio, Ph.D. ang bisyonaryong founder ng Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw (Gawad TANGLAW).
Siya ang nagsindi sa munting ilaw na gumabay sa local entertainment industry pabalik sa pagiging responsable sa mga manonood -- na sinundan ng napakarami nang mga eskuwelahan na nagbibigay na rin ngayon ng mga parangal sa industriya.
Ininterbyu namin si Dr. Lirio para balikan ang kasaysayan ng napakaliwanag nang tanglaw mula sa academic community na umiilaw ngayon sa lokal na aliwan, at natuklasan na nagmula ito sa isang puso ng masugid na tagahanga ng pelikulang Pilipino.
Inosente pero matayog ang kanyang pangarap para sa “nakakaaliw na sining”. Naririto ang paglalarawan kay Dr. Lirio sa mga babasahin ng Gawad TANGLAW (GT):
“Naging lunggati niya ang makapagtatag ng isang samahan na magkakaloob ng parangal sa mga alagad ng aninong gumagalaw.
Bilang mausisang manonood, sa tulong at patnubay ng ina, tuluyan siyang naging tagasubaybay ng nakaaaliw na sining.
Malaking bahagi ng kanyang kabataan ang dalawang sinehan sa Nagcarlan, Laguna. Pagkagaling sa eskuwelahan, palagi siyang nagdaraan sa mga sinehang Luxy at Ice upang pagmasdan ang mga karatula at nakakuwadrong larawan ng mga piling eksena sa pelikula. Lalo pang nag-ibayo ang kanyang adhikain nang manalo ng pinakamahusay na aktres sa FAMAS ang paboritong artista noong mga huling taon ng dekada ‘60.
Nang makapagtapos ng pag-aaral at nakapagtrabaho, hindi nawaglit sa kanyang isipan na maisakatuparan ang minimithing pangarap. Nagtuturo na siya sa Far Eastern University nang mabigyan ng liwanag ang lahat.
Ngunit may kakambal na suliranin ang tagumpay. Nabigo man sa una, pagkaraan ng dalawang taon na pagmamasid, pinagsikapan ni Dr. Lirio na muling makapagtatag ng isang pangkat na inambisyon niya mula pa sa pagkabata.”
Sa tulong nina Dr. Rustica C. Carpio at Dr. Jaime G. Ang, at iba pang mga kaibigan, binuo nila ang GT na pawang may doctorate at may masteral degree ang mga bumubuo.
Sa kasalukuyan, si Dr. Ang ang chairman at president emeritus ng GT, pangulo si Jan Henry M. Choa, Jr. ng De La Salle-College of St. Benilde, at si Debbie F. Dianco ng National University at New Era University ang pangalawang pangulo. Binubuo rin ang GT nina Teresita C. Bagalso ng DWSS AM at dating professor sa University of Perpetual Help System-DALTA at on leave sa kasalukuyan sa Wesleyan College of Manila, retired Public School District Supervisor ng Victoria, Laguna Dr. Merlinda U. Oreta, Chelo S. Castro ng Plaridel Integrated National High School, Donabael Calindas-Lajarca – De La Salle-College of St. Benilde at consultant ng St. Charles Educational Institution, Catherine R. Dultra -- Southville International School, Evangeline Siat ng St. Scholastica’s College, at Raizonell A. Manguilin ng Eulogio Rodriguez Vocational High School. Naka-leave naman sina Dr. Osarlo Cantos ng Makati Public School Division at Noel Roy Agustin ng Jesse Bethel High School-Vallejo, California, USA.
Ito ang kanilang layunin:
“Parangalan ang mga pelikulang lokal na tumatalakay sa magandang imahe ng pamilyang Pilipino, kasaysayan, kultura, pananampalataya, pagpapahalaga sa kapaligiran, kagandahang asal, at iba pang kaugaliang Pilipino. Layunin din na papurihan ang mga prodyuser na may layong mapangalagaan ang kaisipan at katauhan ng mga manonood sa pamamagitan ng kanilang obra na kapaki-pakinabang, mabubuti (wholesome), pampamilya, o feel-good.
Bibigyan din ng pansin ang mga pelikulang pang-mature audience na hindi tahasang nagpapakita ng kahalayan, karahasan o isinasaalang-alang ang sensibilidad ng mga manonood lalung-lalo na ang mga kabataan.
Nilalayon din na parangalan ang mga mag-aaral sa kanilang masining na likha (tula, sanaysay, talumpati, short film, atbp.). Papupurihan din ang mga sinehan na may kaibang dulot na ginhawa sa mga manonood.”
Ang aming interbyuhan...
DMB: Ano ang struggle na pinagdaanan bago nabuo at nakilala sa industriya ang Gawad TANGLAW?
Dr. Lirio: Una, dahil sa isang makalusaw-pusong pangyayari, binuo ang Gawad TANGLAW upang maipagpatuloy ang adhikaing isinapuso at isinaisip nang matagal na panahon. Naging suliranin ng mga guro/akademisyan kung ano ang ipapangalan o itatawag sa binubuong samahan. Naniniwala sa simpleng kakayahan ang mga kasapi sa inyong lingkod na pumili ng nararapat at tutugmang katawagan sa itatayong award-giving body na may kinalalaman sa edukasyon. Nabuo sa isip ang Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw o sa akronim na Gawad TANGLAW. Tinanggap ng lahat ang aking mungkahi kaakibat ang suliranin kung paano ito irerehistro at mabibigyan ng konting publisidad. Malaki ang aming pasasalamat at ilan sa mismong mga kaibigan sa mga eskuwelahang pinagtuturuan ang rumesponde upang bigyan kami ng tulong sa bagay na ito… ang makilala na may bagong tatag na samahan na may layuning kilalanin ang mga henyo ng sining sa aninong gumagalaw. Malaki ang tulong ng ilang kaibigang mamamahayag (Erlinda Rapadas, Lourdes Fabian, Danny Marquez, Eugene Asis, atbp.) ni Madam Teresita Bagalso, dating editor-in chief ng Orig magasin. Todo suporta si John Paul Aquino, ang entertainment editor noon ng pahayang Unang Hirit at kolumnista nitong si Kristine Velasco. Naging malaking suliranin sa samahan kung saan kukuha ng pondo upang maisakatuparan ang mga programang nais iparamdam sa mamamayan. Naging musika na sa grupo ang pagbibigay tulong na pinansyal galing sa mga sariling bulsa at sa mga akademik na nakauunawa at hindi nagdamot sa aming layon. Tagatangkilik kami ng pelikula ngunit mga estranghero sa maraming bagay. Naging malaking katanungan para sa amin kung paano maipararating sa mga nagsipagwagi ang kanilang imbitasyon. Naging agam-agam din kung pauunlakan ng mga artista ng sining ang aming ipinaparating. Determinasyon ang kalasag ng bawat isa upang maging mabunga ang mga karanasan na nakatulong sa GT bilang isang samahan at nagpaunlad pa sa amin bilang mga guro. Sa ngayon, may mga makatotohanang ngiti ang lahat. Taos sa puso ang aming pasasalamat sa Panginoon at ginabayan Niya kami sa paglutas sa mga suliranin na inakalang walang katapusan.
DMB: Anu-ano ang mga requirement para maging miyembro at sinu-sino ang ang mga bumubo ng GT ngayon?
Dr. Lirio: Hindi madali ngunit hindi rin mahirap maging kasapi ng GT. May ilang mahalagang dapat sundin ang samahan upang maging karapat-dapat na kasapi ang isang guro. Kinakailangang may doctorate o masteral degree ang bawat kasapi o isang media practitioner na may dunong sa larangan ng pagtuturo. Kinakailangan na may kinalaman ang kurso ng bawat kasapi sa mga asignaturang pang-Mass Communication, Filipino, Edukasyon, Literatura, Humanities, History, o Foreign Languages, atbp. Maaaring sumapi ang isang wala pang MA degree ngunit kasalukuyang naka-enrol at inihahanda na ang kanyang thesis na pagsulat.
DMB: Natamo ba ng GT ang inyong bisyon nang itatag ninyo ito?
Dr. Lirio: Naniniwala ang lupon at mga kasapi na natamo ng GT ang kanilang bisyon sa pagkakatatag ng GT. Una, may mga kaibigan sa akademya na ginagamit bilang sangkap sa pagtuturo ang mga pelikulang binigyan ng parangal ng samahan o mga pelikulang katanggap-tanggap sa panlasa at intelektuwalidad ng bawat mag-aaral. Pangalawa, naging aware sa iba’t ibang uri ng sining ang mga guro at mga mag-aaral, gayundin ang mga mamamayan. Naihalintulad ng GT ang pagbibigay ng karangalan, katulad sa mga eskuwelahang pinaglilingkuran, ang pagkakaloob ng honor sa ilang kategorya na hindi lamang sa iisa. Basta deserving, dapat lamang maging honor sila.
DMB: Sumagi ba sa isip ninyo noon na darating ang panahon na gagayahin kayo ng iba’t ibang eskuwelahan?
Dr. Lirio: Dahil sa pagmamahal sa sining at kultura kung bakit lumutang mula sa kaisipan ng mga akademisyan ang GT.
Hindi sumagi sa isip namin ang bagay na maraming paaralan ang magsisisunod sa pagbibigay ng karangalan sa mga alagad ng sining sa telebisyon, radio o pelikula. Maaaring nakakabigla ngunit hindi nakagugulat. Nagpapasalamat kami, una sa ating Panginoon, sa mga sumusuporta, naniniwala at nakikiisa sa aming adhikain. Nagagalak kami at narating ang ika-15 taong anibersaryo.
DMB: Ano ang masasabi ninyo sa pagpansin na halos lahat na lang ng paaralan ay namimigay na rin awards?
Dr. Lirio: Nakatutuwang isipin na maraming paaralan ang namimigay ng awards. Nangangahulugan lamang na malakas at maipagbubunyi ang industriya dahil sa impluwensiya nila sa mga mamamayan, lalo na sa mga kabataan. Kung walang maibibigay na kabutihan ang pelikula, telebisyon, radio at iba pang sining sa mamamayan… bakit pa sila bibigyan ng parangal mula sa mga paaralan? Dapat ipagpasalamat ang kaganapang ito. Sa aking sariling pananaw…, dahil sa maraming paaralan ang namimigay ng parangal, dapat natin silang pasalamatan. Hindi nasasayang ang galing o talino ng mga alagad ng sining, dahil naipapamalas nila ang kanilang pagiging “kung ano at sino sila sa sining na kinabibilangan.”
At nararapat lamang silang kilalanin. Sabi nga, “the more, the merrier” ang kanilang eksistensiya. Iginagalang ng GT ang opinyon ng mga manunulat. May karapatan ang bawat isa na pumuna. Kung wala sila, saan makikita ang katotohanan o pagbabagong nais makamtan? Nakatutulong ito at lalong nagbibigay ng lakas sa pagpalaot sa anumang uri ng adhikan.(DINDO M. BALARES)