IBABAHAGI ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach ang mga pinagdaanang pagsubok bago siya kinilalang pinakamagandang babae sa balat ng lupa sa kanyang life story na gagampanan ni Liza Soberano ngayong ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya.
Bilang panganay sa magkakapatid, namulat si Pia na kailangan niyang tumayo bilang breadwinner ng pamilya lalo na nang iwanan sila ng kanilang ama. Matapang niyang pinasok ang mundo ng showiz at sinimulang tumanggap ng modeling at acting gigs.
Pero pinanghinaan ng loob si Pia habang tinatahak ang landas patungo sa tagumpay sa kanyang napiling karera. Habang patuloy kasing tumatamlay ang acting career ay sumisikat naman ang mga kasabayang niyang nag-artista. Para sa pamilya, hindi nagpadaig si Pia at itinuloy pa rin ang pag-arte sa harap ng kamera.
Hindi niya inaasahang mapuputol ang kanyang pag-aartista nang magdesisyon ang kanyang ina at ang bagong nitong asawa para mamuhay sa United Kingdom. Labag man sa kalooban ay sumama siya sa kanyang pamilya at nagsimula ng panibagong buhay. Ilang taon din siyang nagtrabaho sa isang pabrika nang mapagtanto niyang hindi iyon ang gusto niyang maging buhay. Kaya bumalik siya ng Pilipinas at muling sumubok na kumatok sa pinto ng showbiz.
Alamin ang mga nangyari sa kanyang pagbabalik. Paano siya nakapasok sa mundo ng beauty pageants? Anu-ano pa ang mga pagsubok na kanyang hinarap sa maabot lamang ang kanyang pangarap?
Makakasama ni Liza Soberano sa episode mamayang gabi sina Zsa Zsa Padilla, Lee O’Brien, Fifth Solomon, Roeder Camanag, Hanna Ledesma, Michelle Vito, Heaven Peralejo, Lilygem Yulores, Krystal Mejes, at Erin Ocampo, mula sa panulat ni Benson Logronio at sa direksiyon ni Nuel Naval.