Ang pagkamatay ng 30 katao sa Resorts World Manila hotel-casino sa Pasay Ciy nitong Biyernes ng madaling araw ay umagaw ng pansin ng buong bansa at maging ng buong mundo sa maraming kadahilanan, kabilang na ang kakaibang mga pangyayari sa trahedya at pangamba sa terorismo sa ibang bansa na maaaring nagbabanta na rin sa ating kapuluan.
May ibang kampo na nagpahayag ng pangamba na maaaring may kaugnayan ito sa sa proklamasyon ng martial law sa Mindanao ni Pangulong Duterte, pero tiniyak sa publiko ng Malacañang, sa pamamagitan ni presidential spokesman Ernesto Abella, na hindi ito pag-atake ng terorista at wala itong anumang kaugnayan sa nagaganap na lababan sa Marawi City. Ito rin ang tiniyak ni Director General Ronald de la Rosa, hepe of the Philippine National Police, ganoon din si Armed Forces of the Philippines chief of staff Gen. Eduardo Ano.
Ang katunayan, ayon sa napag-alaman ng mga imbestigador, nag-iisa lang ang gunman – na maaaring may problema sa pag-iisip na nakapasok sa casino at nagpaputok ng baril. Pero wala siyang sinumang pinuntirya, ayon sa mga saksi; dahil pataas ang kanyang pagpapaputok. Natagpuan siyang patay kalaunan sa isang silid sa ikalimang palapag, binalot ng kumot, binuhusan ng gasolina, at sinindihan ang sarili, at nagbaril sa ulo.
Ang hindi inaasahan ay ang natuklasang 37 iba pang katao – mga bisita at mga empleyado na pawang namatay sa pagkakalanghap ng makapal na usok. May 54 na iba pang katao na nagtamo naman ng mga sugat dulot ng pagpapanakbuhan nang makarinig ng mga putok ng baril na ginamot na sa iba’t ibang pagamutan.
Hanggang ngayon, maraming espekulasyon ang iba’t ibang tao sa posibleng ugat ng trahedya sa Resorts World pero mabilis na napag-alaman ng mga imbestigador na hindi ito terrorist attack. Gayunpaman, ang intelligence community ay patuloy na nakaalerto at nagmamanman sa posibleng banta ng lalo na sa Metro Manila.
Dapat maging mapagmatyag ang lahat at maging alerto sa anumang posibleng panganib, pero hindi na dapat pang magdagdag sa pangamba ng publiko sa pagpapakalat ng iresponsable at walang katibayang mga haka-haka. Napakarami nang pinagdaanang trahedya ng ating bansa na ating nasaksihan, ang pagkakatuto sa mga karanasang ito at ang pagiging mapagmatyag ay makatutulong sa pagharap natin sa anumang panganib.
Samantala, lubos ang aming pakikidalamhati sa mga pamilyang naulila ng mga namatay sa kakaibang trahedyang ito. Napakarami nang trahedya sa ating bansa – mga bagyo, lindol, at baha, pati na mga sunog at sigalot at armadong paglalaban – pero ang bawat kamatayan ay nagdudulot ng pagdadalamhati ng mga bahal sa buhay ng pumanaw. Ang aming taos sa pusong pakikiramay sa bawat isa sa kanila.