BAWAT buwan sa kalendaryo, mula Enero hanggang Disyembre, ay may kaukulang tawag. At ngayong sumapit na ang Hunyo, bukod sa simula ng tag-ulan at ng klase, ang Hunyo ay tinatawag na BUWAN ng KASALAN. Sa Pilipinas, isa nang tradisyon ang pagpapakasal tuwing Hunyo. May pagkakataon pa na ang pagpapakasal ay itinatapat sa kabilugan ng buwan (full moon). May ikinakasal din na mga babaeng bilog na ang tiyan. Naalala tuloy ng inyong lingkod ang mga titik ng awit sa kasal: “Here comes the bride, all dressed in white.” At kapag buntis naman ang ikinakasal: “Here comes the bride, three months inside.” Tinatawag na ‘June bride’ ang mga ikinakasal tuwing Hunyo, buntis man sila o hindi.

Marami ang naniniwala na masuwerte ang nagpapakasal ng Hunyo sapagkat maganda ang panahon; maraming isdang nahuhuli (hindi sa pamamagitan ng dinamita), napawi na ang mainit panahon; luntian na ang mga bundok at kagubatan dahil sa sunud-sunod na pag-ulan na hatid ng Habagat. Marami ring halaman ang muling namulaklak. Ang mga bulaklak ay magagamit na palamuti sa mga venue ng kasal. Gayudin ang bouquet na hawak ng bride sa kanyang paglakad sa altar.

Ang salitang JUNE, ayon sa mitolohiyang Griyego, ay hango kay Juno na kinikilalang diyosa ng kasal at tahanan at patroness ng mga misis. Ang nasabing tradisyon ay nagsimula noong panahon ng mga Romano at batay sa “June First Festival”, nagdiwang sa pagpapakasal nina Jupiter at Juno. At noong ika-15 siglo, pinipili ng mga babae ang pagpapakasal tuwing buwan ng Hunyo, kasabay ng kanilang taunang pagpaligo. Sinasabing ang regular na paliligo noon ay hindi ginagawa ng mga babae. Matapos maligo, marami nang bride ang nagpapakasal sapagkat mabango na sila. At upang madagdagan ang bango, may mga bride na humahawak ng mababangong bulaklak.

Tuwing sasapit ang Hunyo, sa mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang bayan, ay nagdaraos ng libreng Kasalang Bayan. Sa nakalipas na taon, sa Binangonan, Rizal ay umaabot sa mahigit 100 pares ang ikinasal. Pangunahing layunin ng Kasalang Bayan ay maging legal ang pagsasama ng mag-asawa. Maayos ang papeles ng mga ikinasal at hindi magkaproblema kapag magtatrabaho sa ibang bansa o mag-aaral na ang kanilang mga anak.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Sa ilang bayan sa Rizal, walang libreng Kasalang Bayan ngunit may mga itinakdang araw ang mga lokal na opisyal sa pagkakasal. Sa Morong Binangonan at Pililla, ang libreng kasal ay ginagawa tuwing Martes at Huwebes ng Mayor.

Sa Baras, sa Barangay Pinugay, ay tuwing Miyerkules at Huwebes naman sa opisina ng Mayor. Sa Jalajala, ang libreng Kasalang Bayan ay tuwing Pebrero at Disyembre. Sa mga itinakdang araw ng kasal, may lima hanggang anim na pares ang ikinakasal. May mga parokya sa Rizal na nagdaraos ng libreng kasalan tuwing Hunyo. (Clemen Bautista)