MASANAY na dapat ang mamamayan sa mga biro ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Department of Justice (DoJ) Sec. Vitaliano Aguirre. “Joke is a joke,” wika niya, “na hindi dapat itong pinalalaki.” Tungkol ito sa talumpati ng Pangulo sa harap ng mga sundalo sa Iligan City. Sinabi ni Duterte na susuportahan pa rin niya ang mga sundalo kahit nakapanggahasa na ang mga ito ng hanggang tatlong babae habang ipinatutupad ang martial law.
Sa halip na batikusin sa “pagbibiro”, ayon kay Aguirre, suportahan na lang ang Pangulo sa kanyang desisyong ilagay ang buong Mindanao sa ilalim ng batas militar. Dapat daw malaman ng taumbayan kung ang sinasabi ng Pangulo ay isang hyperbole.
Ito namang si Aguirre, gusto pa tayong gawing manghuhula. Mahirap gawin ang gusto niyang mangyari dahil napakahirap tantsahin ng ugali ng Pangulo lalo na kapag gumaganap ng tungkulin. Dahil dito, paano na kung maniwala ang mga sundalo sa pangako niya? Aba, eh sa digmaan na parang gubat ang larangan na ang nakapangyayari ay puwersa, malayang gawin ng sundalo ang lahat pati na ang gumahasa. Masasabihan niya ba ang mga sundalong gumawa nito ng, “Luko-luko pala kayo, bakit kayo naniwala sa akin, eh nagbibiro lang ako?”
Paulit-ulit nang nagbanta ang Pangulo na magdedeklara siya ng martial law kahit hindi pa nangyayari ang insidente sa Marawi. Noon, ang sinasabi niyang batayan ay ang hangarin niyang masugpo ang ilegal na droga na ipinangako niyang susugpuin sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Pero, sa pagitan ng paulit-ulit niyang pagsasabi na magdedeklara siya ng martial law, winika niya na bakit daw siya magdedeklara nito, eh gumanda ba ang buhay natin sa ilalim nito? Alam niya ang naging epekto ng martial law ni dating Pangulong Marcos at ang abusong dinanas ng taumbayan sa ilalim nito. Pero, ipinataw pa rin niya ito.
Marami nang namatay. Nagkalat ang bangkay sa mga kalye at liblib na lugar sa Marawi. Ang walang patumanggang pambobomba, na tinawag na “surgical strike”, sa mga lugar na umano’y pinagtataguan ng Maute ay nagdulot ng matinding takot sa mga residente.
Paano na iyong banta ng Pangulo na ikakalat niya ang martial law sa Luzon at Visayas kung sa akala niya ay may dahilan para gawin ito kahit tumagal ito hanggang matapos ang kanyang termino? Kahit marami ang mamatay? Biro pa rin ba ito, Sec. Aguirre? Wala sa tiyempo magbiro ang Pangulo.
Sa palagay kaya ninyo ay katanggap-tanggap ang biro pagkatapos niyang ilagay sa ilalim ng martial law ang Mindanao at isinusubo niya sa bakbakan ang mga sundalo natin? Sa pagbibiro ng Pangulo, mahirap tuloy paniwalaan na totoo ang bakbakan kahit marami nang namamatay, napapahamak at nasisirang ari-arian.
Mabisa ang batas militar para iligaw ang paningin ng sambayanan sa mga bagay na napakahalaga sa kanilang buhay. Sa ating kasaysayan, ngayon lang ginawang biro ang paggogobyerno. (Ric Valmonte)