FINALLY, pinagkatiwalaan na ng Star Cinema ang millenial director na si Prime Cruz sa pelikulang Can We Still Be Friends, ikalawang pelikula nina Gerald Anderson at Arci Muñoz.
Nakakuwentuhan na namin noon si Direk Prime over lunch sa imbitasyon nina Direk Jun Lana at Direk Perci Intalan dahil protégé nila ang batang direktor (na nagdirihe rin ng Sleepless na palabas ngayon sa Cine Local sa SM Cinemas under Idea First Company).
Ang naturang lunch ay para sa ikalawang indie movie ni Prime na pinabidahan ni Ryza Cenon, Ang Mananaggal sa Unit 23B na kasama sa 2016 Quezon City Film Festival.
Kuwento ni Direk Prime, nagtapos siya sa Ateneo de Manila at sa Star Cinema ang una niyang trabaho.
“Pinaka-first job ko po right after graduation ay sa Concept Development Group (CDG) ng Star Cinema,” sabi ng batang direktor.
Kaya ang hirit namin, doon pala siya galing, bakit hindi pa siya nabibigyan ng pelikula na ipinagkibit-balikat lang niya.
Nalaman din namin na dati siyang writer ng Matanglawin, Simply KC at Pinoy Big Brother.
Sa presscon ng Can We Still Be Friends, nagkuwento naman si Direk Prime na nakatanggap siya ng tawag pagkatapos niyang gawin ang Sleepless at Manananggal sa Unit 23B.
“Tinawagan po nila ako na mag-pitch ng story. May nakabangko po kasi kaming story ni Jen (Chuansu, girlfriend niya) ‘tapos nag-pitch kami ng tatlo o apat na concepts ‘tapos ito ‘yung pinakanagustuhan nila kaya ito ‘yung dinivelop namin.”
Inamin ni Direk Prime na kabado siya dahil ang lalaki ng artistang ibinigay sa kanya kaya na-starstruck pa siya.
Kaya sobra ang kaba niya sabunang araw ng shooting nina Gerald at Arci.
“Siyempre, nu’ng first day sobrang kabado, ganyan. ‘Tapos siyempre iniisip mo rin ‘yung mas maipapalabas siya sa mas maraming tao.
“Na-starstruck po talaga ako at saka alam kong hit ‘yung last movie nila (Always Be My Maybe). Tina-try ko na lang siyang huwag isipin, kasi ‘pag inisip mo na ‘yon, pressure, di ba? (REGGEE BONOAN)