Isang abogado, na anak ng dating prosecutor, at isang dating pulis-Maynila ang namatay matapos barilin sa ulo ng ‘di kilalang lalaki sa loob ng kotse sa Paco, Maynila kamakalawa ng gabi.
Wala nang buhay at may mga tama ng bala sa likod ng ulo nang madiskubre sina Atty. Elmer Mitra, Jr., 38, anak ni dating Pasay City Prosecutor Elmer Mitra, ng 2484 Tolentino Street, Pasay City, at Alvin Cruzin, 44, dating pulis ng Manila Police District (MPD), ng 2487 Tramo St., Pasay City.
Inilarawan naman ang suspek na may taas na 5’9”, may kalakihan ang katawan, nakasuot ng asul na t-shirt, at light cargo pants.
Sa report ni SPO4 Ronald Gallo, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section, dakong 9:54 ng gabi nang maganap ang insidente sa Perez St., malapit sa panulukan ng Belen St., sa Paco.
Ayon sa mga saksi, sakay ang mga biktima sa itim na BMW (XDX-993), at bumibiyahe sa nasabing lugar nang makarinig sila ng mga putok ng baril.
Nahagip ng closed-circuit television (CCTV) camera ang pagtakas ng suspek na nagtungo sa direksiyon ng Apacible St.
(Mary Ann Santiago)