PATULOY ang pananalasa ni FIDE Master Sander Severino para masungkit ang 6th Negros Closed Championship via five-game tiebreaker, 3.5-1.5, kay International Master Joel Pimentel kamakailan sa Bacolod City.
Ito ang ikatlong sunod na tagumpay ng 31-anyos na pambato ng Silay City, Negros Occidental matapos magwagi sa standard at blitz event ng 17th Bangkok Chess Open sa Thailand.
Tumapos si Severino, may sakit na muscular dystrophy na nagparalisa sa kanyang mga paa, na may limang puntos kasama si IM Jan Emmanuel Garcia sa nine-round tournament.
Nakamit naman niya ang ikatlong puwesto sa blitz sa likod nina champion Grandmaster Karen Grigoryan ng Armenia at runner up GM Falko Bindrich ng Germany.
Ayon kay Severino, puspusan na rin ang paghahanda niya sa pagsabak sa Association of Southeast Asian Nation Para Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Setyembre at sa World Championship sa Germany sa Oktubre.
Makakasama niya sa dalawang torneo ang nalumpo rin na si Henry Lopez.
“That is my next target, to train for the ASEAN Para Games where I hope to win more gold medals,” sambit ni Severino, nakapaguwi na ng 16 gintong medalya sa anim na ASEAN Para Games.
“And hopefully, I could do better in the World Championship,” aniya.