NANAWAGAN nitong Martes si United Nations Secretary-General Antonio Guterres sa lahat ng pinuno ng mga gobyerno, at ng sektor ng negosyo at lipunan na suportahan ang Paris climate change agreement at magkaisa sa pag-aksiyon upang mapabagal ang higit pang pag-iinit ng mundo.
Sa kanyang unang pangunahing talumpati tungkol sa climate change, nangako si Guterres na paiigtingin niya ang high-level political engagement “to raise the bar” sa mga hakbangin para sa planeta.
“The Paris pledges are historic but still do not go nearly far enough to limit temperature rise to well below 2 degrees and as close as possible to 1.5 degrees,” sinabi ni Guterres sa kanyang talumpati sa New York University.
“So we must do our utmost to increase ambition and action until we can bend the emissions curve and slow down global warming,” dagdag pa ni Guterres.
“Yet, not everyone will move at the same pace or with equal vigor,” dagdag niya. “But if any government doubts the global will and need for this accord, that is reason for all others to unite even stronger and stay the course.”
Pinagtibay ng 196 na bansa ang Paris Agreement noong 2015 sa France at naging epektibo noong Nobyembre. Layunin ng kasunduan na limitahan ang pandaigdigang pagtaas ng temperatura sa mas mababa sa 2 degrees Celsius above pre-industrial levels, at kung maaari ay mas mababa pa sa 1.5 degrees Celsius.
Sa ngayon, nasa 147 partido na kumakatawan sa mahigit 82 porsiyento ng greenhouse gas emissions ang nagratipika na sa kasunduan.
Inaasahan namang tatalikuran ng Amerika, isa sa pinakamalalaking greenhouse emitter sa mundo, ang makasaysayang kasunduan—magdudulot ng napakalaking epekto para sa pinaghirapang kasunduan, lalo pa at malaking pondo ng hakbangin ay nagmumula sa Amerika.
Upang mapaigting ang pandaigdigang pagtutulungan para sa kalikasan, tiniyak ni Guterres na makikipagtulungan siya sa mga gobyerno at sa iba pang pangunahing sangkot sa usapin, gaya ng mga industriya ng uling, langis at gasolina, upang mapabilis ang pandaigdigang pagpapalit ng pinagkukuhanan ng enerhiya.
Nanawagan din siya para sa mga makabagong pagtutulungan upang maipatupad ang Paris Agreement sa pamamagitan ng North-South, South-South, at triyanggulong pagtutulungan upang maisulong ang mga hakbangin laban sa climate change. (PNA)