MARAWI CITY – Pagnanakaw sa mga bahay na inabandona, alegasyong summary execution sa mga sibilyan na pinagsuspetsahang terorista, at hindi makontrol na paglobo ng presyo ng mga pangunahing bilihin ang nagbubunsod ng kalituhan at galit ng nagdurusang mga residente ng kinubkob na siyudad na ito.
Mayroong apat na residenteng babaeng Maranao na nagreklamong pinagnakawan ang kanilang bahay at sa security checkpoints, na ang itinuturong suspek ay mga pulis at sundalo.
Magkakahiwalay na nag-post sa Facebook sina Noba Tamay Benito, Cling Labyoh, Inedal Macalayo at Beberly Pandao nitong Miyerkules at inakusahan ang mga sundalo na pumasok sa kanilang bahay upang umano’y magsagawa ng security clearing pero kinuha ang mahahalagang bagay sa kanilang safes o vaults kabilang na ang mga gintong alahas. Ayon kay Macalayo, ang mga sundalong pumasok sa kanyang bahay ay mga tauhan ng 15th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Nag-post naman si Norjannah Hadji Rasol Dipatuan ng rebelasyon ng kamag-anak na dating OFW na nagreklamong nawalan ng mga alahas na nagkakahalaga ng P600,000 sa kagagawan ng mga pulis sa checkpoints patungo sa evacuation sa Iligan City.
Inilahad ng apat na biktima ang karanasan nila kay Drieza Abato Lininding, ang outspoken na opisyal ng Bangsamoro Movement for Justice, Peace and Development, na una nang humimok sa mga biktima ng pagnanakaw na magsalita, upang maitala ang kanilang mga testimonya sa pormal na affidavits.
Sinabi ni Lininding na bibigyan ng kopya ng naturang affidavits ang Crisis Management Committee na binuo ng pamahalaang panglalawigan ng Lanao del Sur para sa mga biktima ng Marawi City siege.
Kahapon, nag-post si Lininding ng tatlong litrato na ibinigay ng nagmamalasakit na mga residenteng Maranao na kuha sa isang sibilyan na teenager na sinita ng mga sundalo, na ang bangkay ay natagpuan kalaunan sa damuhan.
Sa interview sa telepono kahapon, pinabulaanan ng military spokesperson na si Lt. Col. Jo-Ar Herrera ang mga ulat ng sibilyan na nagnanakaw at nang-aabuso ang mga sundalo.
“’Yong sinasabing looting ay nangyari nu’ng sinakop ng mga local terrorists ang Marawi,” sabi ni Herrera sa Balita, at binanggit na iimbestigahan ng military hierarchy ang anumang pormal na pang-aabusong kinasasangkutan ng tropa ng militar.
Samantala, nagreklamo rin ang ilang residente—na piniling manatili sa siyudad para bantayan ang kanilang mga bahay—na bigo ang mga awtoridad na i-regulate ang pagtaas ng presyo sa mga pangunahing bilihin na ibinibenta sa mas ligtas na lugar sa Marawi City, tulad ng Mindanao State University main campus.
Ayon sa mga residente ng MSU na nainterbyu ng Balita, ang benta ng mga mapagsamantalang negosyante sa isang sakong bigas (50-kilo) ay P3,0000-P3,500, habang ang isang litro ng gasolina ay P150. (Ali G. Macabalang)