PARTNERSHIP made in heaven ang tawag namin sa manager-talent tandem nina Ogie Diaz at Liza Soberano.
Karay-karay ng talent scout na si Dudu Unay, dumating si Liza sa buhay ni Ogie noong panahon na nagdududa siya sa kakayahan niya bilang talent manager.
Rewind po muna tayo ng konti. Si Ogie Diaz ang nakakita o nakaramdam sa potential ni Vice Ganda noong nasa comedy bars pa lang ito, kaya dinala niya sa ABS-CBN, ipinakilala, at inilakad sa powers that be. Unti-unti namang nagbunga ang mga pagsisikap ni Ogie, nai-guest sa iba’t ibang show, hanggang sa mapatunayan niya na may potential talaga ang alaga.
Tulad ng nasaksihan nating lahat, sumikat si Vice hanggang sa maging multi-million ang kontrata sa Dos.
Pero bigla na itong bumitaw kay Ogie. Kung bakit, silang dalawa lang ang nakakaalam. Kahit kaming malalapit kay Ogie, never niyang kinuwentuhan kung ano ang nangyari.
Itinuturing ni Ogie ang inyong lingkod bilang kuya-kuyahan. Ewan ko, siguro dahil mas matanda naman talaga ako sa kanya o siguro dahil pareho kaming dugong Bicolano at naging editor niya ako. Kaya malaya kong namamasdan ang weaknesses at strength niya.
Sa lahat ng gay (nga ba?) sa showbiz, si Ogie ang tunay na lalaking kausap. Maprinsipyo at ma-prayd tsiken, tahimik lang sa problema, sinasarili, hindi magsusumbong pero ramdam mo namang down.
Gigil kay Vice Ganda ang mga kaibigang reporter ni Ogie noon. Pero ang problema, ayaw ni Ogie ng away. Hindi siya ‘yung klase ng reporter/artista/talent manager na nagiging war freak kapag may bumibitaw. Simula nang magkapamilya, nag-revise na ng game plan sa buhay si Ogie.
So, sabi na lang naming mga kaibigan niya, ‘pag nakahanap uli siya ng bagong aalagaan, ba-back-up na lang uli kami.
Sidelights muna. Sa mga hindi nakakaalam, prayerful si Ogie Diaz. Hindi lang halata kasi nga walang preno ang bibig sa double meaning na jokes, pero saksi ako nitong mga nakaraang buwan kung paano niya idinaan sa pananahimik at panalangin ang isang napakabigat na pagsubok na inilihim niya sa publiko. (Kapag pumayag siya, isusulat ko ang napakagandang “Miracle” sa buhay-pamilya niya.)
Balik tayo kay Liza Soberano. Noong panahong umalis sa pamamahala ni Ogie si Vice Ganda, ibinalik na naman ni Dudu si Liza Soberano sa kanya.
Na naman, dahil pangatlong beses na iyon. Noong una, wala siyang nakita. Sa pangalawa, wala pa rin. Sa pangatlo niya biglang nakita ang unique o walang katulad na beauty ng dalagita – kung kailan naman nakapirma na ito sa GMA Network!
Pero sa kontratang napirmahan ni Liza, may grace period na isang buwan na puwede pa itong umatras. Agad niyang inasikaso. Saka isinalang sa paulit-ulit na acting workshops at pinag-aral na magsalita ng tuwid na Tagalog, dahil nga laking Tate kaya inglisera.
Hindi na busy si Ogie kay Vice Ganda nang dumating si Liza kaya natutukan niya ito nang husto.
Sagot ba si Liza sa dasal ni Ogie? Walang duda. Pero sagot din naman si Ogie sa panalangin ng dalaga. Pareho silang blessing sa isa’t isa. At ganoon din sa local entertainment industry.
Alpha female si Liza na gustong mabigyan ng maayos na buhay ng kanyang pamilya. Pangarap niyang maiuwi sa Pilipinas ang mga kapatid para dito na rin manirahan. Nagiging posible na ang mga dating imposible noon.
Minsang nagduda si Ogie sa kakayahan niya bilang talent manager, na tsamba lang ang nagawa niya sa career ni Vice Ganda. Pero sa nagiging career path ni Liza, lalo na ngayong dito ibinigay ang role sa Darna movie na pinag-aagawan ng halos lahat ng pinakasikat na young actresses, maliwanag pa sa sikat ng araw na mahusay siya.
Mas nakakabilib nga dahil parang hindi alam ni Ogie na napakahusay niyang mag-develop at magpasikat ng talent.
(DINDO M. BALARES)