SA wakas, isa nang katotohanan ang madali at libreng makapag-aral ng kurso sa pamantasan. Pinagtibay na ng Senate-House bicameral committee ang pinakahihintay na Universal Access to Tertiary Education Act of 2017 na kaagad mapupunta sa Malacañang upang lagdaan ni Pangulong Duterte para maging batas.
Pinagsanib sa aprubadong lehislasyon ang House Bill 2771 ni Albay Rep. Joey Salceda na nagsilbing batayan o working draft nito at dalawang iba pa nina party-list Reps. Antonio Tinio (Teachers) at Sarah Jane Elago (Kabataan) na siyang isinanib naman sa bersiyon ng Senado.
Layunin ng naturang batas na magkaroon ng patas na oportunidad ang mga batang maralita na makapagtapos ng kolehiyo at makamit ang higit na maginhawang pamumuhay. Maaari na nilang tamasain ang mga kapakinabangan nito mula sa ikalawang semestre ng school year 2017-2018.
Sa ilalim nito, libre ang matrikula at iba pang gastusin ng mga mag-aaral sa mga state universities and colleges (SUCs), community colleges at mga sanayang accredited ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Kaloob din nito ang subsidiya at pondong pautang para sa mag-aaral sa mga pribadong kolehiyo. Hango ito sa Albay model na itinatag ni Salceda noong siyam na taon na siyang gobernador ng Albay, bago nagbalik sa Kongreso.
Binigyang-diin ni Salceda ang kahalagahan ng university education sa pag-unlad ng ekonomiya. Ayon sa kanya, isa ito sa tatlong pangunahing dahilan kung bakit napababa ang karukhaan ng Albay sa 15% na mula sa 41% noong 2007. Ang kanyang malawakang scholarship program ay pinakinabangan ng 89,000 kabataang nakapagtapos ng kolehiyo. Ang dalawang iba pa ay imprastruktura at pagsulong ng turismo sa lalawigan na magkatulong para mapalago ang ekonomiya nito.
Magiging tunay na “game changer” nga ang batas dahil malaki ang ambag nito sa kaunlaran. Dagdag ni Salceda: “Kung ang isang batang mag-aaral mula sa liblib na barangay ay matanggap sa Management Engineering sa Ateneo de Manila, wala nang pananalaping dahilan para matapos niya ang kurso at magkaroon ng kapaki-pakinabang na trabahong propesyunal tungo sa kaganapan ng mithi niyang magandang buhay at kaunlaran.”
Naglalaan ang batas ng P20 bilyong subsidiya para sa maralitang mag-aaral sa public, private at community colleges na accredited ng CHED. Bukod dito, may laan din itong P10 bilyong pautang sa kanila para matugunan ang iba pa nilang pangangailangan at gastusin sa pag-aaral na babayaran kapag nakapagtapos na sila ng pag-aaral, nagkaroon na ng trabaho at kumikita na nang sapat. (Johnny Dayang)