ISULAN, Sultan Kudarat – Umaabot sa 2,274 na pamilya sa bayan ng Lambayong sa Sultan Kudarat ang naapektuhan ng baha makaraang umapaw ang mga ilog ng Ala at Kapingkong, na sinabayan pa ng pagpalya ng daluyan patungo sa Liguasan Marsh sa karatig na lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay Henry J. Albano, action officer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), humihingi ng ayuda mula sa pamahalaang panglalawigan si Lambayong Mayor Ramon Abalos upang matulungan ang libu-libong naapektuhan ng baha.
Sinabi ni Albano na nagpadala na siya ng ilang rescue team sa mga binahang lugar, kabilang ang mga barangay ng Tinumigues, Pinguiaman, Sadsalan, at Udtong, upang tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan na nailikas na rin.
Ayon naman kay Mayor Abalos, nagkaloob na ang pamahalaang bayan ng mga paunang ayuda sa mga binaha, habang sinabi naman ni Albano na inihahanda na ng PDRRMC ang tulong na ipaaabot sa mga biktima, sa utos ni Gov. Sultan Pax S. Mangudadatu, al hadz. (Leo P. Diaz)