HABANG isinusulat ko ang column na ito kahapon, Hunyo 1, 2017 ay mahina kong isinisipol ang awiting “Happy Birthday” – ngunit hindi naman ako ang nagdiriwang. Ito ay walang iba kundi itong aking #IMBESTIGADaVe column sa Balita, na isang taon na ang nakararaan nang magsimula akong magsulat, na inilalabas tuwing M-W-F (Monday, Wednesday at Firday) sa loob ng isang linggo.

Sa kabuuan, sa loob ng isang taong pagganap ko sa aking tungkuling pakikipagtalastasan sa inyong mga nagbabasa ng pahayagang ito – umabot sa 156 na artikulong sumasalamin sa mga pangyayari sa ating kapaligiran na dapat pag-usapan, pagtalunan at punahin para sa kapakanan ng nakararami nating kababayan at kaluwalhatian para sa ating Inang Bayan ang inilathala.

Maraming salamat sa mga tumangkilik, sa pamamagitan ng text messages, email at pagtawag upang ibahagi ang mga impormasyong inyo ring nasasagap, mga puna at reklamong nais ninyong iparating sa ating mga kinauukulan, at mga makabuluhang kuru-kuro na makatutulong sa pagbuo ng makatwirang pagpapasiya sa pagharap sa mga problema ng bayan.

Sana ay patuloy ninyo akong samahan sa panibagong taong ito na aking tatahakin bilang inyong kolumnista, at sisikapin kong maging mas lalong makabuluhan at makatotohanan sa aking gagawing pagtalakay sa mga suliranin ng ating bayan at mga kababayan – at magagawa ko lamang ito sa patuloy ninyong pagtitiwala, pagsubaybay at pakikipagtalastasan sa IMBESTIGADaVe.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sa panahong ito, dahil sa malalim na impluwensiya ng social media, sinasamantala ng ilang henyo sa larangan ng “Information Technology” – kapalit ng limpak-limpak na salapi at proteksiyon mula sa ilang makapangyarihang opisyal ng pamahalaan – nagagawa nilang pilipitin ang katotohanan at gawing totoo naman ang kasinungalingan. Ito ang tinatawag nating “FAKE news” na nagkalat sa social media at kinakagat naman ng mga netizen.

Madali namang mabuko ang mga FAKE news… kasi nga galing ito sa mga fake news website na madaling malaman na peke rin dahil “walang mukha” ang mga web master o editor nito. Kung meron man, siguradong never heard o mga ‘di kilala sa sirkulo ng mainstream media. Para itong isang “weekly na diyaryo” na walang ‘editorial box’ ang bawat issue, kaya nakapagdududa na isang ‘haosiao’ ito.

Kadalasan, ang titulo ng mga pekeng website ay ginaya lamang sa isang lehitimong media site, at kapansin-pansing may mga letrang nakadagdag sa orihinal na titulo.

Mga never heard na reporter ang sumusulat nito. Ito ‘yung mga sinasabi ng mga tulad kong antigong mainstream media na – “mga pinabili lang ng suka sa kanto ay reporter na agad.” Sa mga pekeng news site, hindi naman importante ang mga pangalan, kailangan lang ay mai-share ito ng kanila ring mga kakuwadrang grupo para makabuo ng “bandwagon effect” at mapag-usapan agad ng mga netizen.

Ang isa sa mga nakikita kong epektibong paraan para mapahinto ang mga FAKE news na ito ay ang pagkakapit-bisig ng mga lehitimong taga-media at sila ang maging “tenga at mata” upang ‘di na makalusot sa masa ang mga pekeng impormasyon na ito…Ang problema lang dito ay may mga kabaro kaming kasama sa ganitong mga operasyon at para ‘di buking ay gumagamit lang ng iba’t ibang PEN NAME.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)