Nadagdagan pa ang bilang ng puwersa ng gobyerno na nasawi sa bakbakan sa Marawi City makaraang magkamaling pasabugan ng Philippine Air Force (PAF) ang tropa ng militar, na ikinamatay ng 11 sundalo at ikinasugat ng pitong iba pa sa patuloy na pambobomba sa mga hinihinalang kuta ng Maute Group kahapon.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WesMinCom) Commander Lt. Gen. Carlito G. Galvez, Jr. na nagkamali ng target ang SF260W aircraft ng PAF at nasapol ang mga kapwa sundalo bago magtanghali kahapon.

Dahil sa nangyari, ikinokonsidera ng militar na limitahan o suspendihin pansamantala ang mga air strike sa Marawi, sinabi kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

“It will be the call of the ground commander if they needed the strikes pero medyo limitahan muna natin ‘yung strike to the aircraft that can deliver accurately,” sabi ni Lorenzana. “We are pouring more troops there that’s why I said a while ago baka we might suspend for a while the air strikes and let the ground troops do their thing.”

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bags, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte

HINAY MUNA SA AIR STRIKE

Sinabi ni Lorenzana na iniimbestigahan na ngayon ang insidente, sa pangunguna ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Año upang matukoy kung sino ang dapat managot sa nangyari. Kabilang sa sisiliping dahilan ang posibilidad ng pilot error at kawalan ng koordinasyon.

“We are still investigating, conducting an investigation headed by the Chief of Staff what really happened kung nagkaroon ba ng miscommunication or there was an error of somebody there on the ground or on the air sa parte ng piloto,” sabi ni Lorenzana.

Inaasahan ng kalihim ang resulta ng imbestigasyon sa susunod na tatlo hanggang limang araw.

“Sometimes mistake happens. And we hope those mistakes do not happen and nagyayari nga. And all we can do is to see to it that it will not happen again,” dagdag pa ni Lorenzana.

Batay sa huling datos kahapon, umabot na sa 175 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa Marawi: 120 sa panig ng Maute, 36 sa pulisya at militar kasama na ang 11 nasawi sa pumalpak na air strike, at 19 na sibilyan, ayon naman kay AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla.

Sinabi pa ni Padilla na mahigit 80 na ang nasusugatan sa panig ng gobyerno, 996 na residente ang na-rescue, habang 98 na matataas na kalibre ng armas ang nasamsam.

DAGDAG PUWERSA

Samantala, dumating bandang 6:00 ng umaga kahapon sa Iligan City ang isang batalyon, o nasa 400 sundalo ng Philippine Marines at mga tangke para i-deploy sa Marawi City laban sa Maute.

Sinabi naman ni Philippine Marines Spokesperson Capt. Ryan Lacuesta na dumating din sa Cagayan de Oro City, sakay sa C-130 plane, ang karagdagan pang tropa mula sa Marine Battalion Landing Team -7, na katatapos lamang sumailalim sa retraining sa Fort Bonifacio sa Taguig City.

Determinado ang militar na kaagad na malipol ang lahat ng teroristang Maute sa Marawi, kasunod na rin ng pagkumpirma ni Lorenzana na walo sa mga napatay na terorista ay dayuhan.

Sinabi ni Lorenzana na kabilang sa mga dayuhang napatay sa panig ng Maute ang dalawang Saudi national, dalawang Malaysian, dalawang Indonesian, isang Yemeni at isang mula sa Chechnya.

Pinaniniwalaang mga miyembro ng international terrorist group na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang mga dayuhan. (May ulat ni Beth Camia) (FER TABOY, GENALYN KABILING at FRANCIS WAKEFIELD)