Nagdulot ng masikip na daloy ng trapiko ang magkasunod na aksidente sa Pasig City, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ng Pasig City Police, dakong 1:00 ng madaling araw nang sumalpok ang isang 10-wheeler truck (CXN-635) ng CMW Enterprises sa poste ng kuryente sa Pasig Boulevard.

Sakay sa nasabing truck ang 500 sako ng feeds at patungo sana sa Batangas nang bumangga sa poste.

Ayon kay Rolando Simbrano, driver, nawalan ng preno ang truck kaya nagdesisyon siyang itabi sa gutter upang walang maaksidente, ngunit hindi kinaya at tuluyang bumangga sa poste ng kuryente.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bukod kay Simbrano, sugatan din ang isang motorcycle rider, na hindi nakuha ang pangalan, makaraang sumemplang ang kanyang motor sa pagkakasabit sa kable ng kuryente.

Makalipas ang ilang minuto ay nagliyab naman ang isa ring 10-wheeler truck sa southbound lane ng C-5 Road sa Pasig City.

Ayon sa driver na kinilalang si Mario, napansin niyang umuusok ang makina ng truck kaya agad niya itong itinabi.

Nagmadaling bumaba si Mario at ang kanyang pahinante mula sa truck bago tuluyang nagliyab.

Agad rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP) at naapula ang apoy at walang nadamay na ibang sasakyan.

(Mary Ann Santiago)