Gumagawa ng paraan ang gobyerno na magkaroon ng backchannel negotiations upang ligtas na mapalaya ang mga bihag ng Maute Group sa Marawi City.
Ilang religious leaders at concerned parties ang maaaring hingan ng tulong na makipag-ugnayan sa grupo para sa kalayaan ng mga bihag na kinabibilangan ni Fr. Teresito Suganob, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman na si Brig. Gen. Restituto Padilla.
“There have also been efforts to reach out through the backdoor for backchannel talks with possible parties who may help,” sabi ni Padilla sa news conference sa Palasyo.
“Our assurance to the families of all those who may still be hostage in the hands of these armed men is the assurance that we are doing all our best to keep them safe, to guarantee their safe release as much as possible,” aniya.
Nagpahayag ng pag-asa kahapon ang pamilya ni Fr. Suganob na sa pamamagitan ng panawagan ng pari ay maililigtas ito at ang iba pang hostages.
Kasunod ito ng video na ipinalabas ng Maute Group na nananawagan ang pari, na kasama nito ang mahigit 200 pang bihag, at nagsabing nanganganib ang kanilang mga buhay.
Humiling ang pari na sana ay pakinggan ng pangulo ang panawagan nila na itigil ang ginagawang opensiba ng militar sa Marawi.
Aniya, handa umanong mamatay ang teroristang grupo sa ngalan ng kanilang relihiyon.
Kapansin-pansin din sa nasabing video na habang nananawagan ang pari ay pinaputukan ito ng baril.
Kaugnay nito, inilabas din ang video ng isang empleyado ng pamahalaang lungsod ng Marawi na hawak din ng Maute habang humihingi ng tulong sa Presidente na iligtas sila. (Genalyn Kabiling at Fer Taboy)