NANGANGALAMPAG ang mga miyembro ng Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) sa Malacañang sa pagsusulong ng modernisasyon ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon sa naturang non-government organization, ang manu-manong pagpoproseso ng mga lisensiya at dokumento sa LTO ang ugat ng katiwalian sa ahensiya.

Kabilang na rito ang pagre-renew ng driver’s license, vehicle registration, emission test at iba pa. Hindi na bago sa mga motorista ang lagayan sa ganitong mga transaksiyon subalit napapanahon nang matuldukan ang mga ito.

Hanggang ngayon, naglipana ang mga fixer sa LTO at ‘tila nagbubulag-bulagan pa rin ang mga opisyal ng ahensiya hinggil dito.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Bukod sa lagayan, mistulang prusisyon ang haba ng pila araw-araw sa mga sangay ng LTO sa iba’t ibang bahagi ng bansa na ‘tila walang umiiral na sistema.

Ayon kay Jo Perez, tagapagsalita ng FATE, talamak din umano ang iregularidad sa eksaminasyon sa pagkuha ng driver’s license dahil makakukuha naman ng “answered sheet” ang mga aplikante kung sila’y magbibigay ng “padulas.”

Andiyan din ang mga clearance sa smoke belching na halos binibili na lang na parang candy sa tindahan.

Kaya huwag na kayong magtaka kung bakit naglipana pa rin ang mauusok na sasakyan, tulad ng mga pampasaherong jeep at bus, sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Huwag na rin kayong magkamot ng ulo sa tuwing may naaaksidenteng sasakyan at may nagbubuwis ng buhay.

Ayon kay Perez, matagal nang nauudlot ang pagpapatupad ng modernisasyon sa LTO kaya naman nagpipiyesta pa rin ang mga kawatan sa ahensiya.

Nakikiisa si Senator JV Ejercito sa FATE sa pagsusulong ng online system sa pagrerehistro ng sasakyan upang maiwasan ang lagayan.

Base sa mga research, kumikita ang mga fixer sa LTO ng hanggang P4,500 kada araw mula sa mga tiwaling transaksiyon.

Bukod dito, nagdurusa rin sa mahabang pila ang mga aplikante mula tatlo hanggang limang oras kada araw sa pagkuha ng driver’s license at car registration documents.

At kung mamalasin pa, pabalik-balik ang mga ito ng dalawa hanggang tatlong araw upang makumpleto lang ang proseso.

Iginiit ng FATE na ayon sa pag-aaral, aabot sa P4 bilyon halaga ang nawawalang oportunidad dahil sa mga katiwalian sa LTO.

Ipinaliwanag ni Senator JV na tanging transparency lamang sa pamamagitan ng online registration system ang makareresolba sa katiwalian sa LTO, na laging nangangamote sa mga survey rating.

“The upgrading of the motor vehicle registration system is included in LTO’s Proposed Plans and Programs for 2017. We are urging LTO to fast track the upgrading of its systems,” ayon sa senador. (ARIS R. ILAGAN)