NAKATAKDA pa lamang lagdaan ni Pangulong Duterte ang batas na nagkakaloob ng libreng matrikula sa mga estudyante ng state universities and colleges (SUCs), inaprubahan naman ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagtaas ng tuition at iba pang school fees sa 268 pribadong higher education institution (HEIs). Isa itong malaking kabalintunaan o irony lalo na kung isasaalang-alang ang programa ng gobyerno hinggil sa pagkakaloob ng kaluwagan sa mga mag-aaral na may marubdob na hangaring tumuklas ng mataas na edukasyon.

Bagamat hindi pa nagiging isang ganap na batas, ang pagkakaloob ng free tuition fee sa 1.4 milyong estudyante sa 113 SUCs ay walang mga pagtutol na inaprubahan sa bicameral session ng mga Senador at Kongresista. Bunsod ito ng P8-billion Higher Education Support Fund (HESF) sa ilalim ng free tuition program for 2017 ng gobyerno.

Ang sistema ng implementasyon ng nabanggit na pondo ay inilatag ng Department of Budget and Management (DBM) at ng CHED. Binigyang-diin dito ang paghahati-hati o prioritization ng naturang budget para sa 113 SUCs sa buong bansa. Dito sumulpot ang mga haka-haka na ang CHED ay naging selective o mapamili sa mga kolehiyo at unibersidad na dapat munang unahing pagkaloob ng alokasyon alinsunod sa itinatadhana ng HESF.

At dito rin gumitaw ang hindi kanais-nais na pagkondena ng iba’t ibang grupo ng mga estudyante hinggil sa nasabing free tuition fee benefit. Hindi ko makita ang lohika sa mistulang kawalan ng utang na loob ng nasabing mga mag-aaral sa kaluwagang ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan. Nais nila na bukod sa libreng matrikula, marapat ding ilibre na rin ang iba pang bayarin o miscellaneous fees na dapat singilin sa mga mag-aaral.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hindi ko matiyak kung ang ilan sa aking apo at pamangkin ay kabilang sa nabanggit na grupo ng mga nagpoprotestang student groups. Subalit sa aming pagkikita-kita, tandisan kong ipinahiwatig sa kanila: Ibinigay na sa inyo ang kamay ng gobyerno, nais pa ninyong sagpangin ang buong katawan nito. Magpasalamat na lang kayo.

Hindi ko rin makita ang lohika sa wala sa panahong pagpayag ng CHED sa pagtataas ng matrikula sa mga pribadong kolehiyo at pamantasan. Isipin na lamang na lahat yata ng mga bayarin ay itinaas – isang pasiya na tiyak na makapagpapabigat sa pasanin ng mga nagpapaaral. Hindi ko na tutukuyin ang katakut-takot na detalye ng mga bayarin, subalit isang bagay ang tiyak: 268 HEI’s ang pinahintulutang magtaas ng tuition fees at iba pang singilin.

Ang nabanggit na mga kabalintunaan sa pagpapatupad ng mga patakarang pang-edukasyon ay hindi dapat maging balakid sa pagpapataas ng kalidad ng pagtuturo sa ating bansa. (Celo Lagmay)