Kinumpirma na ng Malacañang na hindi tuloy ang paglipad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Tokyo, Japan sa susunod na linggo upang pagtuunan ang nangyayaring bakbakan sa Marawi City, Lanao del Sur.
Nakatakda sanang magtalumpati ang Pangulo sa 23rd Nikkei International Conference on the Future of Asia sa Tokyo, Japan sa Hunyo 5 at 6.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sa isang statement kahapon, sa Japanese government para sa pag-intindi sa sitwasyon.
“We thank the Japanese government and organizers for their consideration, and both sides mutually agreed that a visit to Japan could be rescheduled in the future,” ani Abella.
Idineklara ni Duterte ang martial law at sinuspinde ang writ of habeas corpus sa buong Mindanao sa loob ng 60 araw dahil sa Marawi attack.
Ayon sa Palace official, nananatiling bukas ang ugnayan sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Japanese counterpart.
Sinabi rin niya na umaasa pa rin si Duterte na makadaupang-palad si Prime Minister Shinzo Abe na lubos nitong nirerespeto.
“The Philippines highly values its close friendship and deep bilateral relations with Japan. President Duterte hopes to meet Prime Minister Shinzo Abe whom he has fond admiration and respect especially when the Japanese leader visited him in his hometown in Davao,” aniya. (Argyll Cyrus B. Geducos at Beth Camia)