Muling nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa publiko tungkol sa ipinatutupad nilang “No Collection Policy”, kasabay ng pormal na pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa Lunes, Hunyo 5.
Ayon sa DepEd, tuluy-tuloy ang ipinatutupad nilang free access sa de-kalidad na basic education sa bansa, upang matiyak na lahat ng bata sa bansa ay makakapag-aral.
Ipinaalala ng DepEd sa mga mag-aaral, magulang, mga guro at education stakeholders na ang koleksiyon ng bayarin sa eskuwela ay hindi dapat maging basehan ng non-admission, non-promotion, at non-issuance ng clearance sa mga mag-aaral ng public elementary at secondary schools sa buong bansa.
Nabatid na ang ‘No Collection Policy’ ng pamahalaan ay alinsunod sa DepEd Order No. 41, series of 2012, upang matiyak na hindi magiging hadlang ang kawalan ng pera upang makapasok sa paaralan ang lahat ng mag-aaral.
Hindi rin nire-require ng DepEd ang pagsusuot ng school uniform sa public schools, ngunit kung mayroong mga lumang uniporme ang mga bata ay maaaring ito na lamang ang suotin upang hindi na makadagdag pa sa gastusin ng kanilang mga magulang.
Nagbabala naman ang DepEd na ang anumang paglabag sa naturang mga alituntunin ng ahensiya ay kaagad nilang tutugunan at papatawan ng kaukulang parusa, alinsunod sa DepEd Order No. 49, s. 2006, o ang Revised Rules of Procedure of Department of Education in Administrative Cases. (Mary Ann Santiago)