LAUREL, Batangas – Isang barangay chairman na pinaghihinalaang tulak at kabilang sa mga high value target ng awtoridad ang napatay matapos umanong maka-engkwentro ang mga pulis sa Laurel, Batangas, nitong Martes ng gabi.

Nagtamo ng limang tama ng bala sa katawan si Charlie Macapuno, 37, chairman ng Barangay Poblacion 1 sa Laurel.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 10:37 ng gabi nang mangyari ang sagupaan sa Bgy. San Gabriel, na pinangunahan ni Senior Insp. Nepthali Solomon, hepe ng Laurel Police.

Pinaputukan umano ni Macapuno ang mga pulis gamit ang isang .45 caliber pistol mula sa kanyang pinagtataguan malapit sa lugar ng isasagawang buy-bust.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Narekober ng pulisya sa lugar ng krimen ang isang .45 caliber pistol, mga basyo ng bala nito at ng .9mm caliber, dalawang P500 marked money, at limang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Nabatid sa report na matagal nang target ng pulisya si Macapuno matapos umanong magpositibo sa drug test kamakailan.

May impormasyon umano ang pulisya na nanggagaling ang supply ng ibinebenta umano ni Macapuno sa Alfonso, Cavite, na katabing bayan ng Laurel. (LYKA MANALO)