Nagdesisyon ang Department of Education (DepEd) na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase sa Marawi City at sa walong iba pang lugar sa Lanao del Sur.
Ito ay bunsod ng sagupaan ng tropa ng pamahalaan at ng teroristang Maute Group.
Pagkatapos makipagpulong sa mga opisyal ng DepEd sa Mindanao, na ginanap sa Cagayan de Oro City, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na nagpasya silang iurong na muna ang pagbubukas ng klase sa mga naturang lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at mga guro, at hindi dahil gagawing evacuation centers ang mga paaralan doon.
May walong distrito umano sa Lanao del Sur na apektado ng pagpapaliban sa pagbubukas ng klase ngunit tumanggi ang kalihim na ibunyag kung anu-anong bayan ito, bilang bahagi ng security measures at kahilingan na rin ng militar.
Dalawang linggo umano ang pinakamatagal na pagpapaliban ng klase sa mga naturang lugar, ani Briones, at tiniyak na babawiin sa make-up classes ang mga araw na hindi naipasok ng mga mag-aaral. (Mary Ann Santiago)