MARAWI CITY – Walong umano’y miyembro ng Maute Group ang boluntaryong sumuko sa tropa ng militar sa Mapandi sa Marawi City.
Pansamantalang hindi pinangalanan ang mga sumuko habang kinukumpleto pa ang tactical interrogation sa kanila.
Ayon sa mga source rito, kusang sumuko ang walong terorista makaraang makorner ng mga awtoridad nitong Linggo.
Ang 2nd Marines Brigade Joint Task Force Tiger, sa pangunguna ng commander nitong si Brig. Gen. Custodio Parcon, ang naatasang lipulin ang nasa 40 miyembro ng Maute sa Mapandi.
Sinabi naman kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na batay sa impormasyon mula kay Lt. Col. Jo-Ar Herrera, tagapagsalita ng 1st Infantry Division, nasa 90 porsiyento na ng Marawi ang nalinis sa mga terorista.
“That is what they (1st ID) are saying that almost 90 percent have been cleared. Around 10 percent of the city remains to be cleared,” ani Padilla.
“Our clearing operations are ongoing. Our priority right now is to rescue trapped civilians and the facilitation/recovery of the bodies of slain civilians,” sabi naman ni Herrera. “The firefight is still ongoing especially in three barangays (Bangolo, Rada, at Lidok) where there is still the presence of the Maute Group.”
Dagdag ni Herrera, nasa 30-40 terorista pa ang nasa tatlong nabanggit na barangay.
Batay sa huling datos nitong Martes ng gabi, umabot na sa 89 sa Maute ang napatay sa tuluy-tuloy na bakbakan, 21 sa panig ng militar at pulisya, at 19 pa rin ang nasasawing sibilyan.
Nasa 960 naman ang na-rescue na sibilyan.
Sinabi ng Army na umakyat na sa 72 ang nasugatan sa panig ng awtoridad, habang nasa 81 matataas na kalibre ng baril at 10 low-powered firearms ang narekober.
Batay sa datos ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kahapon, 18,609 na pamilya o 92,628 katao ang nailikas na mula sa Marawi, at pinagkakalooban ng ayuda ng pamahalaan.
Sinabi naman kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa isang panayam sa radyo na naselyuhan na nila ang lugar na pinanggagalingan ng mga supply ng Maute sa Marawi.
“They are already surrounded so their supplies have been cut off. They may still have supplies but they will eventually ran out,” ani Dela Rosa.
Sinabi rin ni Dela Rosa na hanggang kahapon ay wala pa rin silang impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng leader ng Abu Sayyaf Group na si Isnilon Hapilon, na napaulat na nasa siyudad upang magpagamot makaraang masugatan sa matinding opensiba ng militar sa Sulu.
Kinumpirma rin ng PNP chief na nawawala pa rin ang anim na operatiba ng Marawi City Police hanggang kahapon.
(Mike Crismundo, Camcer Ordoñez Imam, Fer Taboy, Francis Wakefield, at Aaron Recuenco)