300517_Shabu_Lab_Cruz-07 copy

Nasamsam kahapon ng anti-illegal drug agents ang mga kemikal at machine sa paggawa ng shabu mula sa isang abandonadong warehouse sa Quezon City.

Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR) at ng Quezon City Police District (QCPD) ang pinaniniwalaang shabu laboratory na nakakubli sa isa sa mga warehouse sa Quirino, Barangay Baesa, bandang 9:10 ng umaga nitong Martes.

Ayon kay QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar, nadiskubre nila sa warehouse na kasinglaki ng half basketball court ang mga kemikal, isang mixer at iba pang gamit sa paggawa ng shabu.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sinabi ni Eleazar na sa pamamagitan ng machine at ng mga substance, aabot sa 200 kilo ng shabu o nasa P1 bilyong halaga ng shabu ang kayang gawin sa laboratoryo. Gayunman, wala silang nahanap na finished products sa warehouse.

Ang pagsalakay, aniya, ay isinagawa matapos ang operasyon ng PDEA-NCR sa Binondo, Maynila noong nakaraang taon kung saan naaresto nila ang mga Chinese na naiulat na miyembro ng international drug syndicate.

Inginuso naman ng mga inarestong dayuhan ang kanilang kasabwat, isang Kwok Kuen Yu, na umano’y namamahala sa drug laboratory sa Bgy. Baesa.

Gayunman, sa operasyon kahapon ay walang nadatnang Kwok Kuen Yu.

Napag-alaman, ayon sa mga residente, na isang taon na ang nakalilipas simula nang abandonahin ang warehouse.

Samantala, sinabi naman ng may-ari ng warehouse na hindi niya alam na ginagamit ang kanyang pag-aari sa ilegal na aktibidad.

Ayon sa may-ari, binayaran siya ni Kwok para upahan ang warehouse hanggang Hulyo ng nakaraang taon.

Habang isinusulat ang balitang ito, nagsasagawa pa ng inventory sa mga nasamsam na kemikal at kagamitan sa loob ng laboratory. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at JUN FABON)