BIBIGYANG-DIIN ng National Science and Technology Week sa Hulyo 11-15 ang “Science for the People”, ayon sa Department of Science and Technology.

Taun-taon, ipinagdiriwang sa Pilipinas ang National Science and Technology Week upang itampok ang mga pinakabagong pananaliksik, imbensiyon, at mga produkto at serbisyo ng mga Pilipinong siyentista at inhinyero.

Alinsunod sa Proclamation No. 169 taong 1993, gugunitain ang National Science and Technology Week tuwing ikatlong linggo ng Hulyo, upang kilalanin ang mga kontribusyon sa siyensiya at teknolohiya sa bansa.

Layunin din ng selebrasyon na makakuha ng suporta mula sa mga pampubliko at pribadong institusyon para sa tuluy-tuloy na pagsulong ng siyensiya at teknolohiya.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon sa Department of Science and Technology, layunin ng temang “Science for the People” na maitampok ang praktikal na pakinabang sa iba’t ibang produkto ng teknolohiya at pananaliksik ng ating mga siyentista.

Naghanda ang Department of Science and Technology ng iba’t ibang aktibidad upang maunawaan ng publiko kung paanong nakatutulong ang siyensiya at teknolohiya sa pang-araw-araw na buhay.

Kabilang sa mga aktibidad na ito ang mga science-related forum, career talks, interactive exhibits, film showing, gayundin ang journalism workshop at entrepreneurship forum.

Maaasahan ng publiko ang mga forum na nakatuon sa agrikultura, kahandaan sa kalamidad, kalusugan, nutrisyon at manufacturing.

Ang mga forum na ito ay idaraos sa World Trade Center sa Pasay City. Sa nabanggit na lugar din itatampok ang mga exhibit. Bukas sa publiko ang lahat ng aktibidad para sa National Science and Technology Week.

Samantala, inihayag ng Department of Science and Technology na pagkatapos ng National Science and Technology Week ay magdaraos naman ng mga science at technology fair sa bawat rehiyon sa bansa hanggang Disyembre. (PNA)