Mga Laro Ngayon

(Cuneta Astrodome)

4:15 n.h. -- San Miguel Beer vs Blackwater

7 n.g. -- Star vs Alaska

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kapwa maghahangad ng mahalagang panalo ang Star Hotshots at San Miguel Beer sa pagsabak nila sa magkahiwalay na laro ngayon sa 2017 PBA Commissioners Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Mauunang lalaban ang Beermen na kasalukuyang nasa ikalawang posisyon sa team standings hawak ang barahang 7-2, sa pambungad na laro ganap na 4:15 ng hapon kontra sa sibak ng Blackwater.

Makakasagupa naman ng Star, kasalo sa kasalukuyan sa liderato ng Barangay Ginebra sa markang 8-2, ang Alaska ganap na 7:00 ng gabi.

Para makasiguro ng puwesto para sa kaakibat na insentibong twice-to-beat sa quarterfinal playoffs, kailangan ng Beermen na maipanalo ang dalawang nalalabing laro kontra Elite ngayong hapon at sa Globalport sa Biyernes.

“This is a very important game for us. For us to get into the top two, we have to sweep our last two games, including Alaska,” pahayag ni SMB coach Leo Austria.

Para sa Star, kailangan nilang ipanalo ang huling labang ito sa eliminations kontra Aces at umasang mabigo ang Kings sa huling laban nito kontra Mahindra sa Biyernes o kaya’y matalo ang Beermen sa isa sa natitira nitong dalawang laro.

Kung magwawagi kontra Aces, ngunit parehas na ipapanalo ng Beermen ang huling dalawa nitong laban at magwawagi din ang Kings sa Floodbusters, magiging No. 1 ang San Miguel at pangalawa ang Ginebra habang bababa ang Hotshots sa third spot dahil tinalo sila ng Kings.

Hangad namang masiguro ang isang quarterfinals berth, sisikapin ng Aces na makabangon sa kinasadlakang anim na sunod na pagkabigo na nagpabagsak sa kanila sa ika-anim na puwesto kasalo ng Globalport na mayroon lamang apat na panalo sa 10 laro.

“We need to win, “ ayon kay Aces coach Alex Compton. “Let’s hope that we could get rhythm. It’s been really tough because we’re in and out with different guys and it’s been hard to establish a rhythm. So hopefully we could find a little bit rhythm on Wednesday.” (Marivic Awitan)