BUKOD sa hindi matatawarang playmaking, ang all around performance ni LA Tenorio ang susi upang makalapit ang Barangay Ginebra sa target nitong Top 2 finish sa pagtatapos ng PBA Commissioner’s Cup eliminations.
Nagposte ng averages na 19.5 puntos, 5.0 rebound, 4.0 assist at 2.5 steal si Tenorio sa huling nakaraang dalawang panalo ng Ginebra kontra Blackwater at Meralco upang mahirang bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week – ikatlong parangal ngayong conference.
Tinalo ng 32-anyos at 5-foot-8 na si Tenorio sina San Miguel Beer guards Alex Cabagnot, Chris Ross at Marcio Lassiter, Star combo guard Paul Lee at rookie Jio Jalalon, NLEX big man JR Quinahan at guard Alex Mallari at GlobalPort’s hotshot Terrence Romeo para sa Accel-sponsored Player of the Week honor para sa kabuuan ng Mayo 22-28.
Batid ang kahalagahan ng mga nalalabing laro ng Kings sa eliminations, itinaas ni Tenorio ang kanyang laro nang umiskor ng 17 puntos, pitong rebound, limang assist at tatlong steal sa itinalang 96-82 panalo ng Ginebra kontra Blackwater.
Dalawang araw matapos ito, nagtala siya ng 22 puntos, tatlong rebound, tatlong assist at dalawang steal para sa Kings nang gapiin nila ang Meralco Bolts, 90-89 na nagluklok sa kanila sa top spot kasalo ng Star. (Marivic Awitan)