Ang pagiging mabunganga ng kanyang misis ang naging dahilan ng isang pulis na magpaputok ng baril at patayin ang una at ang kanilang anak sa kanilang bahay sa Quezon City, nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay Police Officer 2 Roal Sabiniano, 38, napuno siya sa pagbubunganga ng kanyang misis na si Mary Jane nang pagbabarilin niya ito sa loob ng kanilang bahay sa Uwak Street, Barangay Commonwealth.

Ang kanilang anak na si Aljon Dave, na, ayon kay Sabiniano, nagtangkang iligtas ang 36 anyos niyang ina, ay napatay din.

Nahaharap si Sabiniano, kasalukuyang nasa QCPD headquarters sa Camp Karingal, sa kasong two counts of parricide para sa pagpatay sa kanyang mag-ina.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Sa isang panayam, sinabi ni Sabiniano na palagi siyang pinipiga ng kanyang misis sa kakulangan nila sa pera.

Aniya, kauuwi lamang niya mula sa kanyang duty sa National Capital Region Police Office’s Regional Public Safety Battalion (RPSB) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, nang bungangaan umano siya ni Mary Jane.

“It was out of pressure. We always fight, she always nags about how we have no money. But she does not cook, there’s always no food to eat when I get home, and even hired a helper to do the laundry,” kuwento ni Sabiniano.

Noong araw na iyon, nagdilim umano ang paningin ni Sabiniano at sinimulang pagbabarilin ang kanyang misis at ang kanyang anak.

Ngunit ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar, maaaring nasa impluwensiya ng droga ang suspek nang isagawa ang pagpatay.

Sinabi ni Eleazar na nagpositibo si Sabiniano sa shabu, sa initial drug testing nitong Lunes.

Inamin naman ng suspek na gumagamit siya ng droga ngunit sinabing hindi siya humithit ng shabu bago patayin ang kanyang mag-ina.

Ayon kay Eleazar, minsan nang inaresto si Sabiniano, ilang taon bago niya pinatay ang kanyang mag-ina, dahil sa kasong robbery extortion noong 2006.

Bukod sa extortion, kinasuhan din si Sabiniano ng grave coercion at acts of lasciviousness, dahilan upang siya ay masibak sa serbisyo noong 2008.

Muling nakabalik sa serbisyo ang suspek, ayon kay Eleazar, noong 2012 makaraang ma-dismiss ang kanyang kaso.

(Vanne Elaine P. Terrazola)