Vianca & Jezzboy copy

CEBU CITY – Simula nang mag-aral ng accountancy, lagi nang nagpapahusayan ang magpinsang Vianca Pearl Inot Amores at Marianito Jesus Berdin del Rio upang malaman kung sino sa kanila ang mas matalino at may mas mataas na iskor sa mga pagsusulit.

Pinal nang natuldukan ang healthy competition sa pagitan ng magpinsan nitong Lunes ng gabi makaraang mag-tie ang kapwa 20-anyos sa unang puwesto ng mga nakapasa sa Certified Public Accountants (CPA) board examination sa parehong iskor nilang 92.67%, para pangunahan ang 3,389 na mga bagong CPA sa bansa.

“Our hardwork and efforts finally paid off. We are very happy,” sinabi ni Amores nang kapanayamin ng mga mamamahayag kahapon ng umaga, kasama ang second-degree cousin niyang si Del Rio.

Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

“Ever since first year, we wanted to prove ourselves. We competed with each other but in a healthy way. We use to compare notes and scores,” kuwento naman ni Del Rio.

Sa araw ng board exam, sinabi nina Amores at Del Rio na ginalingan talaga nila—kahit sobrang hirap umano ng mga tanong—at ipinaubaya na ang lahat sa Diyos.

“I prayed to be in the top 10 so I was really shocked when I learned that I topped the board exam with Vianca,” sabi ni Del Rio.

Inamin ni Amores na gusto niya talagang maging chef ngunit kinumbinse siya ng kanyang ama, si Lapu-Lapu City Councilor Ricardo Rico Amores, na mag-aral na lang ng accountancy.

Hinimok naman ni Del Rio ang pinsan na kumuha ng accountancy at sabay silang mag-enrol sa University of San Carlos sa Cebu City.

“I want to have a vacation before I start working in July. But who knows I might soon be interested to take up law,” sabi ni Amores.

“No law for me, for now,” sabad naman ni Del Rio.

At ang tip ng magpinsan sa mga susunod na kukuha ng CPA board exam: Mag-aral nang mabuti ngunit iwasang i-pressure ang sarili. Pinakamahalaga, anila, bukod sa time management, ang taimtim na pagdarasal sa Diyos.

(MARS W. MOSQUEDA, JR.)