SA pamamagitan ng Proclamation 216, idineklara ni President Rodrigo Roa Duterte ang martial law at sinuspinde ang privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao noong Marso 23, 2017. Noon namang Setyembre 21, 1972, nag-isyu si ex-Pres. Ferdinand E. Marcos ng Proclamation 1081 na nagdedeklara ng martial law sa buong Pilipinas.

Ang martial law ni PRRD ay bunsod ng mga karahasan sa iba’t ibang panig ng Mindanao, na ang huling hibla ay ang pag-atake ng teroristang Maute Group sa Marawi City. Ang dahilan naman ng Marcos martial law ay pananalakay ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA) na tinampukan ng umano’y pagtambang kay ex-Defense Minister Juan Ponce Enrile, ang martial law implementor.

Ilang senador ang nagsasabing walang basehan para palawakin pa ang martial law sa labas ng Mindanao. Sa ilalim ng Constitution, maaari lang magdeklara ng martial law kung may namumuo o umiiral na rebelyon o insureksiyon na naglalagay sa kaligtasan ng mga mamamayan sa panganib. Ang bisa ng ML ay 60 araw lang, kailangang repasuhin pa ito ng Kongreso at ng Supreme Court. Kabilang sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Sen. Kiko Pangilinan na kontra sa posibleng pagdedeklara ni Pres. Rody ng martial law maging sa Visayas at Luzon. Salungat din si lawyer Christian Monsod, isang constitutionalist at ex-Comelec Chairman.

Maraming Pinoy ang naniniwalang ang dapat asikasuhin ng mga opisyal ng gobyerno, senador at kongresista ay ang kapakanan, kabutihan at kagalingan ng kanilang constituents o kababayan. Si Manila 2nd District Rep. Carlo Lopez ay naglunsad ng pansamantalang tanggapan ng One-Stop Shop sa kanyang distrito.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Layunin nito na mapabilis ang relokasyon at ayuda ng mga ahensiya ng pamahalaan at pamahalaang-lungsod ng Maynila sa libu-libong pamilyang nasunugan at mga residenteng tatamaan ng pagsasaayos ng mga estero.

Maraming apektadong pamilya ang nagtungo sa “one stop shop” sa Barangay 259 para iproseso ang mga papeles at maisaayos at mapabilis ang relokasyon. “Gusto kong matiyak na mabilis at maayos silang maililikas sa relocation sites ng National Housing Authority sa tulong ni Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada upang mabawasan... ang kanilang gastusin sa tulong ng mga ahensiya ng pamahalaan” ani Lopez.

Layunin ni Lopez, vice chairperson ng House committee on housing, na makatulong sa kanyang constituents at madama rin ang serbisyo ng “pangasiwaang duterte” sa kanyang distrito.

Umaksiyon siya upang tutukan ang pangangailangan sa pabahay ng 1,565 pamilya sa ika-2 distrito ng Maynila na biktima ng sunog kamakailan. Ang One Stop Shop office ay pinangunahan ng National Housing Authority, Department of Social Welfare and Development, Philippine Statistics Authority, Urban Poor Office ng Maynila at Pasig River Rehabilitation Commission.

May mga nagsasabing kung ang mga mambabatas at lider ng bayan ay iiwas sa pagpuri o pagbatikos kay Mano Digong, at sa halip ay magsikap na ipagkaloob sa kanilang nasasakupan ang tunay na serbisyo at ayuda na kanilang kailangan, tiyak na susulong at uunlad ang bayan. (Bert de Guzman)