HABANG isinusulat ko ang pitak na ito ay nililigalig naman ang bansa ng grupong Maute, na iniuugnay ang sarili sa ISIS. Sinalakay ng grupo ang lungsod ng Marawi sa Lanao del Sur.

Nangyari ang pagsalakay habang si Pangulong Duterte ay nasa mahalagang pagbisita sa Russian Federation, kung kailan nagkapalad akong mapabilang. Dahil sa seryosong banta sa seguridad, ipinasya ni Pangulong Duterte na magdeklara ng batas militar sa buong Mindanao at agarang bumalik sa Pilipinas.

Naniniwala ako na laging nasa puso at isip ng Pangulo ang kapakanan ng bansa at ito ang pinakamahalagang saligan ng kanyang pasya na magpatupad ng batas militar. Dapat natin itong suportahan dahil sangkot dito ang kapayapaan at seguridad ng buong bansa.

Nauunawaan ko ang agam-agam ng ilan tungkol sa batas militar at sa suspensiyon ng writ of habeas corpus, ngunit wala itong batayan dahil sa dalawang dahilan. Una, hindi ako naniniwala na ang ginawa ng Pangulo ay sa layuning umabuso sa kapangyarihan dahil pangunahin sa kanyang mga ginawa mula nang maupo siya bilang pangulo ay protektahan ang mga mamamayan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pangalawa, maraming probisyon ang Saligang Batas ng 1987 para pigilan ang anumang pagtatangka na abusuhin ng Pangulo ang kapangyarihang militar. Namamalagi ang Saligang Batas, lalo na ang probisyon sa Bill of Rights, at patuloy ang operasyon ng lehislatura at mga hukuman.

Ang kailangan nating gawin ay maging mapagbantay at magkaisa sa likod ng Pangulo at ng sandatahang lakas habang binabaka nila ang grupong terorista na ang tanging misyon ay wasakin ang ating bansa. Ikagalak natin na mayroon tayong commander-in-chief na handang ipagtanggol ang ating bayan.

Sa nakaraang pitak, tinalakay ko ang paghina ng impluwensiya ng Amerika sa pandaigdig na pulitika at ekonomiya at ang paglakas naman ng China at Russia.

Nakita ang pagbabago sa balanse ng kapangyarihan sa isinagawang One Belt One Road (OBOR) Forum sa China kamakailan.

Bago siya tumulak patungong Russia ay dumalo si Pangulong Duterte sa nasabing forum sa Beijing, kasama sina Chinese President Xi Jinping at pinuno ng Russia na si Vladimir Putin.

Ang OBOR ay inisyatibong pangkalakalan na isinusulong ni Pangulong Xi upang pag-ugnayin ang mga pamilihan sa Asya at Europa sa pamamagitan ng mga proyektong sa imprastruktura gaya ng riles, daungan at enerhiya, na gugugulan ng bilyun-bilyong dolyar ng China.

Mahalaga ang paglahok ng Pilipinas sa nasabing forum dahil nakaangkla rin ang programa ng Pangulo sa malawak at agresibong estratehiya sa imprastruktura upang makamit ang tinatawag na “Golden Age in Infrastructure.”

Ang OBOR ay kumuha ng inspirasyon sa rutang Silk Road sa kalakalan sa nakaraang panahon, at layong magkaroon ng koneksiyon sa pagitan ng Asya, Europa at Africa. Kabilang dito ang tinatawag na “Silk Road Economic Belt at ang “21st Century Maritime Silk Road.”

Sa nasabing forum, ipinahayag ni Pangulong Xi ang pagdaragdag ng $14.5 billion sa Silk Road Fund upang suportahan ang mga proyekto ng OBOR at $8.7 billion upang tulungan ang mga umuunlad na bansa.

Ang OBOR ay binubuo ng 68 bansa na kumakatawan sa halos 40 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) ng buong daigdig. Bahagi ito ng layunin ng China na maging lider na pandaigdig, habang nakatuon naman... ang pansin ni Trump sa kanyang sariling bansa.

Masyadong pang maaga upang sabihin kung magtatagumpay ang inisyatibo ng China, kabilang ang Asian Infrastructure Investment Bank, na naglalayong suportahan ang pangangailangan sa imprastruktura ng Asya. Ngunit ngayon pa lamang ay masasabing habang nagiging protectionist ang Amerika, ang China naman ay nagiging kampeyon ng pandaigdig na kalakalan, at ang resulta ay ang paglawak ng papel nito bilang pandaigdig na lider hindi lamang sa ekonomiya kundi maging sa pulitika.

Dahil dito, dapat purihin si Pangulong Duterte sa pagpapalakas sa relasyon ng Pilipinas sa China at Russia. Natatanaw niya ang pagbabagong nangyayari sa balanse ng kapangyarihan at napagtanto niya na hindi dapat manatiling nakatali ang Pilipinas sa tinatawag na “special relationship” sa Estados Unidos. (Manny Villar)