MANGALDAN, Pangasinan - Napaaga ang sentensiya sa isang lalaki na umano’y nanggahasa ng menor de edad, matapos itong pagbabarilin at mapatay sa national road ng Barangay Lanas sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa report ng Mangaldan Police kahapon, napatay makaraang barilin ng dalawang armadong lalaki si John Senin, 50, may asawa, ng Bgy. Lanas.

Dakong 10:05 ng umaga nitong Linggo nang paputukan si Senin habang minamaneho ang kanyang Honda TMX motorized tricycle (QC-8510).

Namatay kaagad ang biktima dahil sa tinamong mga bala sa iba’t ibang parte ng katawan.

Probinsya

Suspek sa pinatay na 7-anyos na batang babae, nakainom bago upakan ang biktima!

Narekober naman sa crime scene ang piraso ng papel na nasusulatan ng: “Rapist kasi ako kaya ganito napala ko.”

Nahaharap si Senin sa kasong statutory rape na may kaugnayan sa Anti-Child Abuse Law (RA 7610) sa tanggapan ng Office of Provincial Prosecutor sa Dagupan City.

Naniniwala ang pulisya na paghihiganti sa panig ng biniktima ni Senin ang pagpatay sa kanya. (Liezle Basa Iñigo)