ANG usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front-Communist Party of the Philippines-New People’s Army (NDF-CPP-NPA) sa gobyerno ang unang naapektuhan ng proklamasyon ng batas militar sa Mindanao.
Nakatakdang magharap ang mga negosyador ng NDF-CPP-NPA at ng pamahalaan ng Pilipinas sa ikalimang pagkakataon ngayong linggo, na gagawin sana sa Noordwijk, Ann-see, Netherlands, ngunit kaagad na tumugon ang CPP matapos magdeklara si Pangulong Duterte ng batas militar nitong Martes. Inutusan nito ang NPA na paigtingin pa ang mga opensiba sa bansa.
Sa isang desidido ring tugon, inihayag ng gobyerno, sa pamamagitan ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza, na hindi na nito itutuloy ang ikalimang bahagi ng negosasyon. Pinasalamatan ni Dureza ang Royal Norwegian government, na namagitan sa mga naunang pulong. Hindi magsasagawa ng mga pag-uusap hanggang magkaroon ng “enabling environment”, aniya.
Tinangka ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na isalba ang sitwasyon sa pagtiyak sa CPP na hindi pupuntiryahin ng batas militar sa Mindanao ang NPA, dahil para lamang ito sa Maute Group, na nauugnay sa Islamic State. “We will fully comply with the directives of the President that martial law was declared to address radical Islamic terrorists and narco-terrorism in Mindanao,” aniya. Gayunman, taliwas dito ang pananaw ng CPP, inakalang sila ang puntirya ng batas militar.
May isa pang posibleng epekto ang batas militar sa gobyerno, na inilatag na rin ng ibang sektor. Nang maluklok sa puwesto si Pangulong Duterte, inimbitahan niya ang NDF at ang CPP, sa pamamagitan ng dati niyang mentor sa Lyceum, si Prof. Jose Ma. Sison, na magrekomenda ng mga kasapi nito sa kanyang gabinete. Ang mga opisyal na ito, na nauugnay sa ilang aktibistang organisasyon sa bansa, ay napabilang sa gabinete kalaunan — sina Secretary Judy Taguiwalo, ng Department of Social Welfare and Development; Secretary Rafael Mariano ng Department of Agrarian Reform; at si Liza Masa sa National Anti-Poverty Commission.
Kabilang sina Taguiwalo at Mariano sa mga na-bypass ng Commission on Appointments nang mag-adjourn ang Kongreso kamakailan, dahil umano sa kawalan ng panahon na masusing busisisin ang kanilang mga kuwalipikasyon. Ito ay sa mismong araw na inaprubahan ng komisyon ang pagkakatalaga kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa loob lamang ng ilang minuto.
Mahusay na nagampanan ng mga na-bypass na miyembro ng gabinete ang kani-kanilang tungkulin, bagamat may kani-kaniya rin silang mga kritiko. Sinabi kamakailan ni Sen. Antonio Trillanes IV na ginagamit nina Mariano at Taguiwalo ang kanilang posisyon para sa bentahe ng CPP.
Marami nang nagawa ang administrasyong Duterte sa pagpapanumbalik ng kapayapaan sa magugulong lugar sa bansa. Pareho namang nananahimik ang Moro Islamic Liberation Front at ang Moro National Liberation Front sa inaasahang pagtatatag ng awtonomiyang rehiyon sa ilalim ng federal na sistema ng gobyerno. Natatanaw na ang kasunduang pangkapayapaan sa CPP-NPA, dahil na rin sa mga inisyatibo ng bagong administrasyon.
Patuloy tayong umasa na ang matatapos din ang mga kasalukuyang problema at mareresolba ang mga hindi pagkakaunawaan, upang ang karahasan sa mga lalawigan, partikular na ang dulot ng 47-anyos na rebelyon ng NPA, ay tuluyan nang magwawakas.