ni Brian Joseph Patrick N. Yalungavenido copy

LUMIKHA ng pangalan si Leo Avenido sa collegiate basketball bilang miyembro ng Far Eastern University Tamaraws.

Hindi man masyadong naging maingay sa Philippine Basketball Association (PBA), umalingawgaw ang pangalan niya sa Asean Basketball League (ABL) noong 2002.

Sa edad na 38, malapit na ang takip-silim sa basketball career ni Avenido at hindi ito lingid sa kanyang kamalayan.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ngunit, bago tuluyang hubarin ang playing jersey, nais ng dating 'King Tamaraw' na sundan ang mga yapak ng boyhood idol niyang si Robert 'Big J' Jaworski.

"Di naman ako si Jawo pero gusto ko din pag-igihan kase eto na siguro yung transition ng basketball career ko papuntang coaching," pahayag ni Avenido sa panayam ng MB Sports Online.

Sa kasalukuyan, player-coach siya (parang si Jawo sa Ginebra) sa Gamboa Coffee Mix sa PBA D-League.

Impresibo ang 'debut' ni Avenido nang gabayan ang koponan kontra Zark's sa PBA D-League Foundation Cup. Naisalpak niya ang dalawang free throw sa huling 3.1 segundo para sandigan ang Gamboa Coffee sa gahiblang 85-84 panalo.

Walang pang malinaw sa kapalaran ang kanyang bagong posisyon, ngunit handa siyang gawin ang makakaya para sa koponan.

"Di ko masabi kung kelan to at kelan ako maglalaro. I'm focusing at the present at di ko iniisip yung iba para di maguluhan sa dalawang task na binigay sa akin na akala ng iba ay madali," pahayag ni Avenido.

Sa kasalukuyan, pinagpapasalamatan niya ang katayuan sa koponan.

"Hindi naman tayo ipokrito. Kung ano ibigay tanggap lang at trabaho lang na kailangan pagbutihan!" aniya.