Siniguro ng Malacañang kahapon na igagalang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anumang desisyon ng Supreme Court (SC) at ng Kongreso sa idineklara niyang martial law sa Mindanao bunsod ng armadong labanan sa Marawi City, Lanao del Sur.
Kasunod ito ng sinabi ni Duterte na ang tanging pakikinggan niya tungkol sa pagbawi sa batas militar ay pulisya at militar at hindi niya papansinin ang Korte Suprema, ang Kongreso, at ang kanyang mga kritiko, dahil ang puwersa ng gobyerno ang nagtataya ng buhay at may tamang impormasyon mula sa pinangyayarihan ng labanan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang pahayag ni Duterte ay hindi nangangahulugan na babalewalain nito ang lehislatura at ang hudikaturang sangay ng pamahalaan.
“This is not meant to bypass the Supreme Court or the legislative,” sabi ni Abella sa ambush interview pagkatapos ng unang episode ng Mindanao Hour kahapon.
“Of course he will respect (Supreme Court) but based on his own considerations being Commander-in-Chief,” dagdag ni Abella.
Ayon kay Abella, ang pahayag ni Duterte ay pagbibigay-diin lamang sa tiwala nito sa militar at pulisya dahil sila ang nagpapatupad ng martial law.
Isinailalim ni Duterte sa martial law ang Mindanao nitong Martes dahil sa pag-atake ng teroristang grupo sa Marawi City. Sinuspinde rin niya ang privilege of the writ of habeas corpus sa buong rehiyon.
“The President meant that those who are truly aware of the situation are the military and the police. It means to say those who have true and accurate reports on which he will depend on will be the military and the Philippine National Police (PNP),” paliwanag ni Abella.
Sinabi kasi ni Duterte na ititigil lamang niya ang martial law kapag sinabi sa kanya ng pulisya at militar pero hangad niyang matapos na kaagad ang labanan dahil mas maraming buhay ang nalalagas araw-araw.
Samantala, nanawagan si Senator Francis Pangilinan sa sambayanan na magkaisa at ipagtanggol ang Saligang Batas.
“We call on all citizens to come together and unite to defend the Constitution, our democracy, and the rule of law.
We call for courage, for bearers of light to stand against the looming tide of darkness upon our land,” sabi ni Pangilinan.
Hinimok din niya ang gabinete na kumbinsihin si Pangulong Duterte na igalang ang Saligang Batas dahil lalabas ang pagiging diktador nito kapag nabalewala ang pangunahing batas ng bansa.
”No one is above the law, not even the President. We oppose any violation of the Constitution on matters pertaining to the martial law declaration,” aniya.
Legalidad naman ang isyung iniharap ni Sen. Grace Poe sa deklarasyon dahil wala naman daw pananakop at lantarang rebelyon.
“In our Constitution, you can’t declare martial law just because there’s a threat. There should be rebellion. There should be invasion. So, in areas where those things haven’t happened yet, constitutionally there may be a question with regards to the legality of that,” ani Poe. (Argyll Cyrus B. Geducos at Leonel M. Abasola)