Pansamantalang naparalisa ang operasyon sa Pasay City Hall of Justice (HOJ) matapos makatanggap ng bomb threat ang mga opisyal sa kasagsagan ng hearing kahapon.
Ayon kay Pasay HOJ security officer Armando Bedeo, ang staff nina Judge Tingaraan Guiling, ng Pasay Regional Trial Court (RTC) Branch 109, at Judge Wilhelmina Jorge-Wagan, ng Branch 111, ang nakatanggap ng bomb threat, sa pamamagitan ng telepono, dakong 1:00 ng tanghali.
“Hindi nagpakilala ‘yung tumawag pero lalaki daw ang boses. Ang sabi, ‘May kaibigan akong Muslim at may itinanim kaming bomba riyan.’ Walang sinabing oras na sasabog kaya naglabasan agad sila at tumawag ng security,” sabi ni Bedeo sa Balita.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Pasay police’s Explosive and Ordnance Division (EOD) at Special Weapons and Tactics (SWAT) at pinalabas ang lahat mula sa gusali.
Makalipas ang 30 minutong clearing operations, idineklara ng EOD at SWAT na “cleared” at negatibo ang lugar mula anumang pampasabog.
“Basta ang payo lang natin sa mga residente, remain vigilant. Kanina naman mabilis narespondehan ng SWAT at EOD dahil agad nareport ‘yung anonymous call so ganoon dapat,” pahayag ni Bartolome.
Bandang 2:00 ng hapon, muling bumalik sa operasyon ang tanggapan. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)