Kaugnay sa pagbubukas ng klase, hinimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga pamunuan ng mga paaralan na magtalaga ng mga lugar kung saan maaaring ihatid at sunduin ng mga pribadong motorista ang mga estudyante upang maibsan ang matinding trapik sa Kamaynilaan.
Sinabi ni MMDA deputy chief traffic officer Manuel Gonzales na nakikipag-ugnayan na sila sa mga awtoridad ng eskuwelahan para sa implementasyon nito upang maiwasan ang pagsikip ng trapik sa paligid ng mga eskuwelahan. “We have been briefing traffic enforcers not to allow vehicles to standby while waiting for students on major roads,” sabi ni Gonzales.
Ang mga nakatambay na sasakyan ay ituturing na illegally parked vehicles at maaaring hilahin palayo sa lugar o titiketan ang mga may-ari nito. - Anna Liza Villas-Alavaren